Ni: Ellalyn De Vera-Ruiz at Beth Camia
Mas maraming pamilyang Pilipino ang ikinokonsidera ang kanilang sarili na mahirap sa ikatlong bahagi ng Social Weather Stations (SWS) survey results.
Ang nationwide survey, na isinagawa nitong Setyembre 23-27 sa 1,500 respondents, nasa 47 porsiyento o tinatayang nasa 10.9 milyong pamilya ang ikinokonsidera ang kanilang sarili na “mahirap”.
Ayon sa SWS ito ay mas mataas ng tatlong puntos sa 44% o nasa 10.1 milyon noong Hunyo 2017.
Lumalabas na ang bilang ng mahihirap na pamilya ay tumaas mula 44% noong Disyembre 2016 naging 50% nitong Marso 2017.
Sinabi ng SWS na bago ang September 2017 survey, ang resulta ay pare-pareho lang o bumababa sa loob ng siyam na magkakasunod na quarter, mula fourth quarter ng 2014 hanggang sa fourth quarter ng 2016.
Tumaas 16 na puntos ang bilang ng pamilyang Pilipino na nagsasabing sila ay mahirap sa Luzon, mula 34% noong Hunyo 2017 na naging 50% noong Setyembre 2017. Ito ay kapareho noong Marso 2017.
Tatlong puntos naman ang itinaas sa Metro Manila, mula sa 28% noong Hunyo ay naging 31% noong Setyembre. Ito ay nahigitan sa naitalang 36% nitong Marso 2017.
Gayunman, ito ay bumaba ng 12% sa Mindanao, mula 57% noong Hunyo ay naging 45% pagsapit ng Setyembre.
Bumaba rin ito ng walong puntos sa Visayas, mula 64% noong Hunyo ay naging 56% pagdating ng Setyembre.