ni Ric Valmonte
PARA patunayan ang isa sa mga batayan ng impeachment complaint ni Atty. Lorenzo Gadon laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno ng Korte Suprema, partikular ang culpable violation of the Constitution, inimbitahan ng House Committee on Justice ang ilang miyembro ng Korte. Sa mga limitadong paksa lamang maaaring makapagsalita ang mga ito, pinahintulutan sila ng Korte na dumalo sa pagdinig kung kanilang gugustuhin. Kaya, sa pagdinig nitong Miyerkules, dumalo sina Associate Justice Teresita de Castro at Court Administrator Jose Midas Marquez.
Ang dalawa ay may personal na dahilan para gawin ito. Nakalaban ni AJ de Castro si CJ Sereno para sa posisyon ng pagka-Punong Mahistrado, sa kabila na si Sereno ang pinaka-junior sa lahat ng mga mahistrado, siya ang hinirang ni dating Pangulong Noynoy. Nang umupo si Sereno, pinalitan naman niya si CA Marquez bilang spokesman ng Korte at itinalaga niya si Atty. Theodore Te.
Ayon kay AJ de Castro, noong Nobyembre 2012 ay nag-isyu ng Order si CJ Sereno na binuhay ang Judiciary Decentralized Office (JDO) sa Central Visayas nang walang pahintulot ang lahat ng mahistrado. Gumawa siya ng opisina na tanging ang Kongreso ang may kapangyarihan. Bagamat ang JDO ay tulad din ng Regional Court Administrative Office (RCAO) na noon ay buhay pa, bukod sa permanenteng opisina ang JDO, inalis pa ito sa ilalim ng Office of the Court Administrator (OCA). Nang magreklamo raw si AJ de Castro, binago ng mga mahistrado ang Order ni Sereno, subalit hindi raw nito sinunod ang Resolusyon sa sumunod na inisyu niyang Order. Sa memorandum ni AJ de Castro sa mga mahistrado, kasama si Sereno, sinabi niya na nilabag ni Sereno ang Saligang Batas at ang kapangyarihan ng OCA na isinasaad ng batas.
Sa isyu naman ng temporary restraining order (TRO) sa kaso ng Coalition of Senior Citizens, na-raffle daw kay AJ de Castro ang kaso at sa draft na isinumite niya kay CJ Sereno, ibinigay niya ang TRO para pigilin ang Comelec na iproklama ito. Pero, binago raw ito ni CJ at ang pinahinto niya ay ang proklamasyon ng lahat ng mga nagwaging Party List representatives at pinalabas niya na ito ay sa kanyang rekomendasyon.
Unang pagkakataon sa kasaysayan ng ating hudikatura na ang mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ay tumestigo sa Kongreso. Ang reklamo ni AJ de Castro ay mga problemang administratibo na mareremudyuhan nila nang sila-sila lang sa loob ng Korte. “Hindi p’wedeng ako ay manahimik na lamang kung ang kapangyarihan ng Korte Suprema at ang desisyong aming napagkaisahan ay balewalain o palitan,” sabi niya. Pero, siya lamang ang nagreklamo. Batay sa kanyang testimonya, nilapatan naman ng lunas ng mga kapwa niya mahistrado ang kanyang reklamo. Hindi ganito katindi ang sitwasyon na kinakailangan magsumbong siya, na ganito nga ang lumabas nang siya ay humarap sa mga mambabatas, sa hindi niya dapat pagsumbungan. Tinulungan lang niya ang House Justice Committee na mangalap ng ebidensiya at palakasin ang kaso laban kay CJ, na trabaho ni Atty. Gadon. Sumakay lang siya sa mga gustong sirain ang mga demokratikong institusyon, na ganito ang layunin ng mga nagnanais na magkaroon ng revolutionary government.