Sa kabila ng mahigpit na implementasyon ng mga ordinansa sa lungsod, inaresto ng Manila Police District ang 14 na indibiduwal na iniulat na lumabag sa batas nitong Huwebes at Biyernes.
Dinala sa presinto ang mga inaresto matapos mahuling umiinom ng alak sa pampublikong lugar at naglalaro ng illegal coin game, ayon sa pulis.
Sa Tondo, kinilala ang mga suspek na sina Emmanuel Sanchez, 47, Proceso Maniego, 41, Jonel Sta. Ana, 22; pawang residente ng Parola Compound; at Richard Quebral, 32, tubong Trece Martirez, Cavite.
Sa inisyal na imbestigasyon, naglalaro ng ‘cara y cruz’ ang apat na lalaki sa Gate 20, Area H, sa Parola Compound, dakong 10:30 ng gabi nitong Huwebes.
Sa kasagsagan ng operasyon, kinumpiska ng awtoridad ang isang set ng baraha at ang P300 pusta.
Makalipas ang isang oras, dinala ng mga tauhan ng Calabash Police Community Precinct (PCP) sa kanilang istasyon sina Jacob Matagnob, 27, John Fei Bechayda, 24, Rommel Torillas, 23, at Sekai Lapuz, 22.
Ayon sa mga alagad ng batas, nag-iinuman ang mga suspek sa panulukan ng Basilio at Matimyas sa Sampaloc, dakong 11:30 ng gabi.
Kumilos naman ang mga element ng University Belt Area PCP nitong Biyernes, dakong 4:45 ng madaling araw at hinuli ang anim na indibiduwal na namataang umiinom ng alak sa Sulucan at Earnshaw Streets.
Kinilala ang mga inaresto na sina Dianne Littaua, 32; Anthony Sayuman, 29; Joanna Sy, 25, Maria Theresa Doria, 19; Prince Czaren Cea, 27; at Rihana Yahiya, 26.
Ang mas pinaigting na Anti-Criminality Ordinance operation ay naglalayong protektahan ang mga residente, lalo na ang mga menor de edad upang maiwasan ang anumang krimen at insidente sa lugar, ayon sa pulis. - Analou De Vera