Ni: Martin A. Sadongdong

Inaresto nitong Martes ang 29-anyos na tindera sa Pasay City matapos umano nitong isangla ang bahay at lupa na ipinahiram sa kanya ng kaibigang engineer, kung saan ang isa sa kanyang mga kliyente ay may warrant of arrest para sa kaso ng pagpatay.

Kinilala ni Senior Police Officer 3 Evaresto Sarang-ey, imbestigador, ang suspek na si Hazel Esmores, ukay-ukay vendor, ng No. 001 Sapatasahai Compound, Barangay 201, Pasay.

Idiniretso si Esmores sa Pasay police headquarters ng kanyang kaibigan na si Danilo Garrido, 58, ng Monterey Street, Mervile Park Subdivision, Parañaque City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tumira si Esmores at ang kanyang mister sa bahay at lupang pag-aari ni Garrido na matatagpuan sa Sapatasahai Compound sa loob ng anim na buwan bago nadiskubre ng biktima, sa pamamagitan ng concerned citizen, na isinanla na ito nang dalawang beses ng biktima.

“Nakiusap ‘yung suspek sa biktima na baka pwede daw silang mahanapan ng mauupahan. Eh, dahil siguro matalik na magkaibigan ‘yung dalawa, pinatira na lang ng libre. Ayun pala, binenta na niya (suspect) ‘yung bahay at lupa ng dalawang beses,” sabi ni Sarang-ey sa Balita.

Sinabi ni Sarang-ey na nagpakilala si Esmores bilang may-ari ng bahay at lupa at isinanla sa isang abogado at sa isang Paul John Romeral, nasa hustong gulang, ng Yakal St., Molave Park, Bgy. Merville, Parañaque City.

Ilang dokumento ang nasa pag-iingat ni Esmores na maaaring magsilbing ebidensiya laban sa kanya: kabilang ang photocopy ng rent-to-own contract, promissory note at acknowledgement receipts.

Aabot na sa kabuuang P200,000 ang nakolekta ni Esmores mula sa kanyang mga kliyente bago nadiskubre ni Garrido ang insidente, dagdag ni Sarang-ey.

Nagkaroon pa ng eksena nang dumating si Romeral sa Pasay police investigation office at kinumpronta si Garrido habang ang huli ang nagbibigay ng sinumpaang salaysay sa mga imbestigador, dakong 7:30 ng gabi.

“Mainit ang ulo niya (Romeral), pumasok dere-derecho dito sa opisina at hinamon ‘yung biktima ng suntukan,” sabi ni Sarang-ey.

Binantaan pa ni Romeral si Garrido bago umalis: “May kalalagyan ka sa akin!”

Sinabi pa ni Sarang-ey na mayroong warrant of arrest si Romeral para sa kaso ng pagpatay ngayong taon na inihain ng National Bureau of Investigation (NBI).

Nang tanungin kung bakit hindi inaresto nang lumitaw sa Pasay police, sinabi ni Sarang-ey na nagpiyansa si Romeral para sa pansamantalang paglaya.

Kasalukuyang nakakulong si Esmores sa Pasay police headquarters at kinasuhan ng estafa.