Kinasuhan kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman ang retiradong heneral ng Philippine National Police (PNP) na si Marcelo Garbo Jr. at nitong si Atty. Rosalinda Garbo dahil sa umano’y P35.36-milyon ill-gotten wealth.
Kinasuhan ang mag-asawa ng falsification of public document, paglabag sa Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (RA 6713), Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019), at forfeiture of properties in favor of the Philippine government (RA 1379).
Pinangunahan ni NBI Anti-Graft Division Head Nathaniel Ramos ang imbestigasyon makaraang matuklasan ng ahensiya na labis ang ari-arian ng mag-asawa kumpara sa kanilang suweldo, at bigo ring maideklara ang ilan nilang ari-arian sa kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) para sa mga taong 2005 at 2015.
Kabilang dito ang mga sasakyang Hyundai Sta. Fe, Toyota Grandia, Toyota Corolla, Kia Sportage, Chrysler Town and Country, BMW R1200 motorcycle, at golf cart, at golf club shares na nagkakahalaga ng P1.1 milyon.
Ayon sa NBI, sa loob ng 10 taon dapat ay P5 milyon lamang ang kikitain ng mag asawa pero umabot ng P22 milyon ang kanilang net worth increase at hindi pa kasama ang iba pang properties sa ibang bansa.
Kabilang sa mga nakuhang ebidensya ng NBI ay ang mga dokumento mula sa land registration authority, mga sasakyan, listahan ng shares of stocks, at mga ari-arian sa Amerika.
“Nung ipinatawag na namin si General Garbo last July, pumunta naman ang lawyer niya. We were expecting some explanation on undeclared assets pero he did not offer an explanation so we based our findings sa mga documents na na-gather namin,” paliwanag ni Ramos.
Sinikap ng Balita na kuhanan ng pahayag si Garbo pero hindi siya ma-contact. - Beth Camia at Czarina Nicole Ong