Ni MARY ANN SANTIAGO

Kabuuang 1,962 bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) ang naitala ng Department of Health (DoH) sa bansa noong Hulyo at Agosto 2017 lamang, at kabilang dito ang 18 buntis at 118 nasawi sa sa naturang karamdaman.

Ayon sa DoH, nangangahulugan ito na umaabot na sa 31 kaso ng HIV ang naitatala ng kagawaran kada araw.

Batay sa ulat ng HIV/AIDS Registry of the Philippines, 95 porsiyento sa mga bagong kaso na naitala ay mga lalaki, habang mahigit kalahati ng mga ito ay may edad 25-34.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nasa 31% naman ng mga bagong kaso ang kabataan, edad 15-24.

Sa nasabing 1,962 bagong kaso, 250 ang nag-develop na sa acquired immunodeficiency syndrome o AIDS, 118 ang nasawi at 18 naman ang buntis.

Pinakamaraming naitalang kaso ng HIV noong Hulyo at Agosto sa Metro Manila, na may 732 kaso, kasunod ang Calabarzon (344), Central Luzon (179), Central Visayas (144), Western Visayas (121), at Davao Region (116).

Nananatili namang ang sexual contact ang pangunahing dahilan ng pagkakahawa ng HIV, na may 1,892 kaso, at karamihan, o 88%, ay mga lalaking nakipagtalik sa kapwa nila lalaki.

Tatlumpu’t lima naman sa mga bagong pasyente ang nahawa nang nakigamit ng karayom sa paggamit ng ilegal na droga, habang pitong bata ang nahawa habang ipinagbubuntis.

Umabot naman sa 154 na overseas Filipino worker (OFW) ang nahawahan din ng HIV, at karamihan ay dahil sa pakikipagtalik habang nasa ibayong-dagat.

Iniulat din ng DoH na dahil sa naturang bilang ay umabot na sa 7,363 ang kabuuang kaso ng HIV sa bansa ngayong 2017 lamang.