Ni: Bert de Guzman

SA pagbabalik ng giyera sa droga sa Philippine National Police (PNP) mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), mangahulugan kaya ito na magiging madugo na naman ang Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel ng PNP, at gabi-gabi, araw-araw ay may itutumbang suspected drugs pushers at users ang mga pulis ni Gen. Bato dahil NANLABAN daw?

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ipinasya ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na muling pahawakan sa PNP ang war on illegal drugs dahil hindi raw nasisiyahan ang Pangulo sa accomplishments ng PDEA. Kaiba naman ito sa pulso ng taumbayan na mas gusto nila ang PDEA dahil kokonti lang ang napapatay na pushers at users. Sa halip, hinuhuli nang buhay ng PDEA ang mga suspek at hindi basta binabaril gaya ng ginagawa ng mga pulis.

Siniko ako ng kaibigang palabiro pero sarkastiko na muntik nang ikaligwak ng iniinom kong kape: “Palagay ko ay isinalin lang kunwari ni Digong ang drug war sa PDEA noon dahil dito gaganapin ang ASEAN Summit. ‘Di mo ba napansin, konti lang ang napatay bago at habang may ASEAN Summit sa atin?” Aba, ‘tila may katwiran si kaibigan! Ngayong muling hahawakan ng mga tauhan ni Gen. Bato ang operasyon kontra droga, marami na naman kaya ang itutumba dahil sila ay NANLABAN?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Siyanga pala, batay sa data o record ng PDEA, may 117,268 drug personalities ang nadakip at 78,620 ang inilunsad na anti-drug operations mula Hulyo hanggang Nobyembre. May 2,525.77 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P18 bilyon ang nakumpiska sa nasabing panahon. Hindi binanggit ng PDEA kung ilan ang kanilang napatay sa mga operasyon.

Batay pa rin sa data ng PDEA, idineklara na halos 4,300 barangay ang libre na sa droga. Natutuwa ang Simbahang Katoliko na sa ilalim ng PDEA, malaki ang bilang ng mga hindi napatay sa mga operasyon kumpara sa mga operasyon ng mga bata ni Gen. Bato. Naniniwala ang Simbahan na hindi solusyon ang pagpatay sa mga drug pusher at user. Manapa, sila ay dapat hulihin at bigyan ng pagkakataong gumaling at magbagong-buhay. Mahalaga ang buhay ng tao.

Determinado si PDu30 na wakasan na ang pakikipag-usap ng kapayapaan sa mga komunista dahil umano sa kawalan ng sinseridad ng CPP-NPA-NDF sa peace process. Pormal niyang tinuldukan ang negosasyon sa kilusang komunista sa pamamagitan ng pag-iisyu ng Proclamation 360.

Nagbitiw si Cesar Chavez, dating radio broadcaster, bilang Undersecretary for Railways ng Dept. of Transportation dahil sa DELICADEZA. Sa kanyang irrevocable resignation, tinanggap niya ang pananagutan sa MRT3 incidents noong nakaraang linggo sa halip na ihagis ang sisi sa nakaraang administrasyon o sa sino man.

Kabilang sa insidente sa MRT 3 ay ang pagkakalas ng bagon noong Nob. 16 at ng isang freak accident na ikinaputol ng braso ng isang commuter noong Nobyembre 14.

Nabalitaan ba ninyong sinubukan ni Harry Roque na sumakay sa MRT3? Kaya lang hindi rush hour nang siya’y sumakay kaya hindi niya naranasan ang pila at pagpawisan. Buwenas din si Roque at hindi yata tumirik ang tren!