ANG mga anak ni Teresa Loyzaga ang dahilan kung bakit iniwan niya ang pagiging flight attendant ng kilalang airline company sa Australia pagkalipas ng 14 years.
“Bilang isang ina maski anong ginagawa mo hindi nawawala ang pagiging ina mo, hindi lang 24 hours ang pagiging ina mo, kung puwede nga lang 25 hours,” simulang kuwento ng nagbabalik na aktres nang humarap sa press para sa promo ng Hanggang Saan.
“Sa kaalaman ng lahat, it’s a good job ang pagiging flight attendant and I’m a single mom na nga, wala pa ako parati sa bahay. Ang hirap dahil nasa eroplano ka, hindi mo matawagan, hindi mo ma-check. ‘Pag landing mo sa ibang lugar, hindi mo matawagan kasi magkaiba kayo ng oras, ‘pag uuwi ako, pagod na pagod, sila papasok naman ng eskuwela. Pag-uwi naman nila, oras na para magtrabaho ako ulit.“Akala ko masasabi ko na naigapang ko na ang mga anak ko. Pinakamahirap na buhay namin noong doon kami nakatira (sa Australia), lumaki sila, naka-graduate at nakita ko naman pero marami akong na-miss na part ng buhay nila.
“Ngayon nandito sila, sabi ko nga nag-resign na ako para makasama ko naman sila kahit na nandito na ako, kami ni Diego (Loyzaga) pareho kaming artista, si Joseph ‘yung panganay ko nagbi-business. Gustuhin ko man, sana maski na dinner lang sabay-sabay tayo, hindi magawa. ‘Buti na lang may mga cellphone, tawagan na lang, text-text.
“Minsan binibisita nila ako sa set or ako ang bibisita sa kanila. Gagawan mo na lang ng paraan para magkasama-sama kayo. Siguro ang pasasalamatan ko na lang kahit na wala ako sa kanila noon every minute, napalaki ko naman ang mga anak ko in gratitude saka well-mannered at marunong magpasalamat.
“Siguro gagawan ko na lang ng paraan para magkita-kita kami at bilang nanay/tatay or inatay, kulang ang 24 hours para punuin ko kung saan ako nagkulang noon,” malinaw na kuwento ni Teresa tungkol sa takbo ng buhay nilang mag-iina.
Nabanggit din na minsang kakain siya ng prutas ay bigla niyang naisip na ibibigay na lang kay Diego dahil baka raw mas gusto nito.
“Halos lahat naman siguro ng nanay ganito. Kung ano ang puwede kong ibigay para sa mga anak ko, more of my time, more of my life until my last breath, ibibigay ko,” pahayag ni Teresa. –Reggee Bonoan