Ni ELLSON A. QUISMORIO

Hindi magdadalawang-isip si House Justice Committee Chairman, Oriental Mindoro 2nd District Rep. Reynaldo Umali na ipaaresto si Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno kung hindi talaga nito sisiputin ang mga imbitasyon ng Kamara.

Sinisikap ng komite na matukoy ang probable cause sa bineripikang impeachment complaint na inihain ni Atty. Larry Gadon laban sa Punong Mahistrado, at inimbitahan ng panel ang lahat ng mahistrado ng Korte Suprema sakaling kailanganin sa pagdinig.

Ang paulit-ulit na hindi pagdalo sa imbitasyon o subpoena ng komite ng Kamara ay maaaring maging dahilan upang ma-contempt ang iniimbitahan.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Nang tanungin sa panayam ng DZBB kung darating sa puntong kailanganin niyang ipadakip si Sereno, sinabi ni Umali: “Siyempre ‘pag subpoena coercive power ‘yan, at ‘pag hindi po sinunod ay maoobliga tayong mag-issue ng warrant.”

“Mayroon kaming poder para gamitin ‘yung coercive power ng committee under the Constitution. So this is a constitutional power to pursue a constitutional mandate. [The] separation of powers as co-equal branch may not be invoked in this particular instance,” paliwanag ni Umali.

Una nang sinabi ni Sereno na hindi siya dadalo sa mga pagdinig ng Kamara at iginiit sa komite ni Umali na payagan ang kanyang mga abogado na harapin si Gadon at ang mga testigo nito bilang kinatawan niya. Gayunman, tinanggihan ito ng komite sa pamamagitan ng botohan.

“Kapag mayroon talagang mga bagay na dapat siyang (Sereno) testiguhan marahil ay mag-i-issue ang komite ng subpoena,” sabi ni Umali.

Gayunman, aminado si Umali na kakailanganin ng mga mahistrado ng SC ng pag-apruba ng en banc upang makadalo sa mga pagdinig sa Kamara, na ang susunod ay ngayong Lunes.

Kabilang sa mga inimbitahang dumalo sa pagdinig ngayon sina SC Associate Justice Teresita Leonardo de Castro, SC Court Administrator Midas Marquez, SC Clerk of Court Felipa Anama, ang reporter ng Manila Times na si Jomar Canlas.