NAKOPO ng tambalan nina top-ranked Filipinos John Bryan Otico at Arthur Craig Pantino ang boys’ doubles title nang tibagin ang No.3 seeds na sina Kei Manaka at Taiyo Yamanaka, 6-3, 6-4, nitong Sabado sa Phinma-PSC International Juniors 2 sa Manila Polo Club indoor claycourt sa Makati City.

Nakamit ni Otico, No. 130 sa world juniors rankings, ang ikatlong doubles titles mula ang sumabak sa ITF Juniors Circuit noong 2013. Nagwagi siya sa Asian Junior Championships sa Pune, India (Hunyo) at sa China Juniors 8 sa Beijing (Mayo) kasangga si Japanese Seita Watanabe.

Tangan din niya ang tatlong juniors singles titles. Huling nagwagi si Otico sa PTT-ITF Juniors sa Nonthaburi, Thailand itong Hunyo. Naiuwi niya rin ang titulo sa Hong Kong ITF Juniors noong Enero 2017 at Vietnam ITF Juniors sa Ho Chi Minh noong Hulyo 2015.

Nakamit naman ni Pantino ang ikalawang doubles title, Nakuha niya ang unang titulo sa torneo may isang linggo na ang nakalilipas kasangga ang kababayan ding si Michael Francis Eala.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nagwagi rin si Pantino, ranked No. 342 sa ITF Juniors, sa doubles event kasama si Beibit Zhukayev ng Kazakhstan sa Perlis, Malaysia nitong Oktubre.

Samantala, ginapi nina Otico at Pantino ang kani-kanilang karibal sa semifinals para maisaayos ang championship duel sa singles event ng torneo na inorganisa ng Philippine Tennis Association.

Ginapi ni Otico ang fourth-seeded na si Yamanaka, 7-5, 6-0, habang pinatalsik ni Pantino si second seed Japanese Shunsuke Mitsui, 6-7 (3), 6-3, 6-0.

Sa girls’ doubles, nasungkit nina Filipino Shaira Hope Rivera at American Elizabeth Stevens ang koronan kontra kina second seeds Punnin Kovapitukted ng Thailand at Saki Oyama ng Japan, 6-1, 7-5.