Ni NITZ MIRALLES
DIRECTORIAL assignment sana ang itinawag ni Marvin Agustin kay Annette Gozon ng GMA Network dahil gusto na niyang magamit ang natutuhan sa Digital Filmmaking course na kinuha niya sa New York University for three months. Pero sa halip, acting assignment ang ibinigay sa kanya ng Kapuso executive.
Kasama si Marvin sa cast ng new primetime series ng GMA-7 na Kambal, Karibal na magpa-pilot na ngayong araw, mula sa direction ni Don Michael Perez.
“Gusto ko ng masayang buhay, kaya balik acting muna tayo. Sabi rin kasi ni Annette, ‘wag muna akong magdirek, umarte muna ako at in-offer nga sa akin ang role ni Raymond de Villa. Maganda ang story at nagustuhan ko ang role na may pagka-bad guy, kaya tinanggap ko. But we are still talking sa una kong inilapit sa kanya for me to be given the chance to direct. Baka sa Magpakailanman muna,” excited na sabi ni Marvin.
Ikinatuwa pa ni Marvin na makakasama niya sa Kambal, Karibal sina Gloria Romero, Carmina Villarroel, Jean Garcia at Christopher de Leon na gaganap bilang ama niya. Minsan lang daw mangyari na makasama niya ang mahuhusay na artistang ito at ang makatrabaho sina Bianca Umali at Miguel Tanfelix.
Very successful si Marvin bilang restaurateur. Sa katunayan, hindi na niya mabilang ang pagmamay-ari at mina-manage na restaurants. Anong meron sa showbiz na hindi niya matalikurang tuluyan?
“Masaya dito, pinakamasaya ang showbiz at marami ang opportunities na ibinibigay sa mga artista basta marunong ka lang magmahal sa trabaho mo. Nalulungkot kaming mga nauna sa industriya sa ibang mga artista na hindi marunong mag-appreciate sa blessing na ibinibigay sa kanila ng showbiz. Kami, alam namin ang value ng showbiz sa buhay namin at alam namin kung gaano kami ka-blessed. Kaya siguro, lagi akong wini-welcome ‘pag bumabalik ako,” pahayag ni Marvin, na totoo naman talaga.