ni Bert de Guzman
SAGAD na ang pasensiya ni President Rodrigo Roa Duterte sa ginagawang karahasan, ambush, pamiminsala sa mga sibilyan, panununog ng heavy equipment at ng kung anu-anong hinihingi ng New People’s Army (NPA) sa kanya. Ayaw na niyang makipag-usap sa komunistang kilusan at nagbanta sa mining companies na nagbibigay ng tinatawag na revolutionary tax sa mga rebelde, na ipasasara ang mga ito.
Noong Martes, ipinasiya ni Mano Digong na putulin na ang pakikipag-usap sa NPA. Inihayag niya ito sa pagkakaloob ng tribute sa mga sugatang kawal sa ospital sa Taguig City. Patuloy raw ang NPA sa pagsalakay at pananakit maging sa inosenteng mga sibilyan.
Sinabihan niya sina presidential peace adviser Jesus Dureza at gov’t chief negotiator Silvestre Bello na “Tell the guys there in Netherlands, I am no longer available for any official talk. Giyera na lang tayo.” Kung gusto raw ng CPP-NPA-NDF ni Joma Sison ang giyera, ibibigay niya ito sa kanila kahit umabot pa ng 50 taon.
Samantala, tinawagan niya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na huwag pansinin ang mga usapan tungkol sa revolutionary government. Nagbanta si PRRD na ipaaaresto ang mga rebelde na banta sa pambansang seguridad.
Para kay PDU30, hindi makabubuti at makikinabang ang ating bansa sa isang revolutionary government o kaya’y ng coup d’etat. Sa harap ng mga sugatang sundalo sa Army General Hospital sa Taguig City, inihayag niya malayong mangyari ang revolutionary government sa Pilipinas. “Wala tayong makukuha dyan.”
Unti-unti nang inuusig ang cabinet men ni ex-Pres. Noynoy Aquino, aka ex-PNoy. Siyam na miyembro ng kanyang gabinite, sa pangunguna nina ex-DoTC Sec. Joseph Abaya at ex-DILG Sec. Mar Roxas ang kinasuhan ng plunder at graft dahil sa kanila umanong role o papel sa maanomalyang transaksiyon sa MRT3.
Bukod kina Abaya, Roxas, ex-DBM Sec. Butch Abad at ex-Finance Sec. Cesar Purisima, 21 iba pang opisyal at pribadong indibiduwal ang kasama sa kasong plunder at graft. Sa alegasyon ng Dept. of Transportation, ang mga respondent ay pumasok sa mga kontrata na naging daan sa pagdambong sa salapi ng bayan na ikinayaman ng ilan sa mga opisyal.
Sinisisi rin ng DoTr ang dating cabinet men at opisyal ng Aquino administration sa mga problema na dinaranas ngayon ng MRT-3, tulad ng araw-araw na aberya at pagtirik ng tren. May nagtatanong sa akin kung ito na ang simula ng KARMA ni PNoy at ng mga tauhan niya. Itinatanong din kung bakit hanggang ngayon ay hindi masolusyonan ng Duterte administration ang problema ng MRT-3, at ang mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA at mga pangunahing lansangan. Kaya raw ibinoto si Pres. Rody ng may 16.6 milyon ay naniwala sa pangako niyang lilipulin ang illegal drugs, tatabasin ang kurapsiyon, lulutasin ang problema sa trapiko, at iba pa.