Ni: Celo Lagmay

NEGATIBO ang aking kagyat na reaksiyon nang unang ipahiwatig ni Pangulong Rodrigo Duterte na inilalayo niya ang kanyang sarili sa pagpuksa ng ipinagbabawal na droga. Hindi ako makapaniwala na tatalikuran niya ang isang makatuturang misyon – ang isang pangako na nagluklok sa kanya bilang Pangulo ng bansa.

Kahit na ano ang sabihin ng sinuman, mistulang kakambal na ng Pangulo ang pagpapaigting ng kampanya hinggil sa paglipol ng illegal drugs. Natitiyak ko na hindi nagbabago ang kanyang paninindigan sa paglutas ng problema na gumigiyagis hindi lamang sa kasalukuyang administrasyon kundi maging sa lahat ng nakaraang pangasiwaan.

Dahilan ito upang ipaubaya niya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa halip na sa Philippine National Police (PNP), ang pakikidigma sa users, pushers at drug lords. Subalit tanggapin natin ang katotohanan na ang gayong tungkulin ay hindi ganap na nagampanan ng PDEA dahil sa kakulangan ng tauhan at mga kagamitan; higit sa lahat dahil sa kakapusan ng pondo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa kabila ng gayong mga kakulangan, naniniwala ako na naging matagumpay din ang pagsisikap ng naturang tanggapan sa paglipol ng illegal drugs. Katunayan, umani ito ng mga papuri, lalo na ang pagtugis nila sa mga sugapa sa droga nang walang nakikitil, taliwas sa mga estratehiyang isinulong ng PNP at ng iba pang security agencies.

Gayunman, ipinahiwatig kamakalawa ni Pangulong Duterte na isinasaalang-alang niya ang muling pagpapaubaya sa PNP ng kampanya laban sa droga. Maaaring ang pahiwatig ng Pangulo ay nakaangkla sa katotohanan na ang nasabing kampanya ay masyadong malaki para sa PDEA. Tama naman sapagkat ang makabuluhang misyon na nakaatang sa 160,000 PNP force ay halos imposibleng magampanan ng wala pa yatang 5,000 tauhan ng PDEA.

Bagamat wala pa yatang pormal na utos ang Pangulo sa pagbabalik ng drug campaign sa PNP, kailangang tiyakin ang maingat na implementasyon ng mga estratehiya sa pagpuksa ng mga sugapa sa bawal na gamot. Iwasan hanggat maaari ang walang pakundangang pagpaslang ng mga pinaghihinalaang gumagamit at nagbebenta ng shabu at iba pang illegal drugs.

Maliban kung manlalaban ang mga drug suspect na maaaring maglagay sa panganib sa buhay ng mga alagad ng batas, marapat na arestuhin na lamang at usigin ang naturang mga sugapa. Sa gayon, makabubuting ugatin na lamang ang dahilan ng kanilang pagkasugapa sa droga; isailalim sa drug rehabilitation tungo sa pagbibigay ng pagkakataon upang sila ay muling makapamuhay nang maayos at mapayapa.

Sa bagong paraan ng PNP sa pagpuksa ng illegal drugs, mailalayo ang Pangulo sa bintang ng mga kritiko na siya ang utak ng umano’y extra-judicial killings; at magiging hudyat ito ng katuparan ng pangako na hindi dapat mapako.