Ni: Marivic Awitan

ISINUKO ng National University – sa hindi malinaw na kadahilanan – ang laban para maidepensa ang boys’ title nang ma-default sa do -or-die game kontra University of Santo Tomas kahapon sa UAAP Season 80 high school volleyball tournament.

Hindi sumipot ang NU Bullpups sa larong nakatakda ganap na 8:00 ng umaga sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.

Nauna nang naipuwersa ng Bullpups ang do-or-die game matapos talunin ang second seed Tiger Cubs, 25-16, 25-21, 17-25, 26-28, 15-11,noong nakaraang Linggo sa Final Four round.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Dahil sa di pagsipot ng Bullpups, pormal ng umusad ang UST sa championship round.

Makakasagupa nila ang naunang finalist Far Eastern University-Diliman na nakamit ang unang Finals slot matapos gapiin ang fourth ranked University of the East, 22-25, 25-23, 28-30, 25-17, 15-12.

Nauna rito, tinalo ng Tigercubs ang Bullpups, 25-23, 12-25, 25-22, 22-25, 15-10, noong Biyernes sa playoff upang makopo ang second spot at twice-to-beat bonus papasok ng semis.

Samantala, magtutuos sa ikalimang sunod na taon ang defending champion NU at UST sa girls finals.