Suportado man niya ang panawagan ng mga guro na taasan ang kanilang suweldo, iginiit ni Education Secretary Leonor Briones na hindi malulutas ng dagdag na suweldo ang lahat ng kanilang problemang pinansiyal – partikular na ang mga may binabayarang utang.
“All of us feel underpaid [and] even if I have an increase in salary, I will still feel that I’m underpaid,” sabi ni Briones sa panayam kamakailan na tumatalakay sa panawagan ng mga guro na taasan ang kanilang suweldo upang hindi na sila mangutang. “That’s because your needs and wants will always exceed your resources,” dagdag niya.
Sinabi ni Briones na ang pagtaas ng suweldo ng public school teachers ay bahagi lamang ng solusyon – partikular sa mga madalas mangutang. “But it will not totally address the problem because you only increase the capacity to borrow,” aniya.
Kaya’t isinusulong ni Briones ang financial literacy sa mga guro upang maging matalino sila sa paghawak ng pera at hindi na gaanong aasa sa pangungutang.
Samantala, magsasagawa ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) ng “major action” para sa iginigiit nilang wage hike. Mangangampanya at magra-rally sila sa Senado sa Nobyembre 22.
Hinihiling ng ACT na itaas ang suweldo ng public school teachers sa P25,000 para sa entry level positions at P16,000 para sa non-teaching personnel. - Merlina Hernando-Malipot