Patay ang isang lalaki makaraan siyang suntukin ng kanyang pinsan nang tangkain niya itong payapain sa pananampal ng tsinelas sa 12-anyos nilang pamangking lalaki sa Caloocan City, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si Roberto Valencia, 43, kidney failure patient na siyam na buwan nang nagda-dialysis, habang ang suspek ay si Arnel Villanueva, 35, truck driver, kapwa taga-Area C, Camarin, Caloocan.

Batay sa paunang imbestigasyon, kinumpronta ni Valencia si Villanueva makaraang sampalin ng huli ang binatilyong anak ng kapatid ng una sa loob ng bahay nito bandang 6:20 ng gabi.

Sa isang panayam, sinabi ni Aissa Valencia, 36, kapatid ng biktima at ina ng binatilyo, na napalupasay sa lupa ang kanyang kuya at nahirapan nang huminga nang suntukin ito ni Villanueva.

National

Leni Robredo binisita puntod ng asawa bago tuluyang naghain ng COC sa Naga City

Ito, kuwento ni Aissa, ay matapos na awatin ni Roberto si Villanueva sa pananampal ng tsinelas sa anak ni Aissa, na nakipag-away sa 11-anyos na binatilyo ng suspek dahil lamang sa bisikleta.

Isinugod sa Tala Medical Hospital pero patay na ito, habang nadakip naman ng mga pulis sa kanyang bahay si Villanueva bandang 9:00 ng gabi.

“Matagal na iyan (Villanueva) gumagamit (ng droga). Kahit itanong n’yo pa sa mga residente sa amin, kilala siya roon,” pagbubunyag ni Aissa, at sinabing bagamat hindi maayos ang relasyon nilang magpinsan, wala namang problema ang ugnayan ng suspek at biktima. - Kate Louise B. Javier