ni Reggee Bonoan

IISA ang manager nina Andre Yllana, Heaven Peralejo at Liza Soberano, si Ogie Diaz kaya ano kaya ang reaksiyon nito kapag nalaman niyang super crush ng batang aktor ang gaganap bagong Darna na hopefully ipalalabas na ang movie sa 2018.

Sa nakaraang launching nina Andre at Heaven bilang BNY endorsers, inamin ng bagets na aktor na si Liza ang crush niya sa showbiz at hindi siya magsasawang sabihin ito.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Andre at Liza
Andre at Liza
Kaya kapag nakikita raw niya si Liza dahil nga iisa lang ang manager nila, “siyempre po parang (muwestrang natutunaw),” nakangiting sagot ng binatilyo.

Wala naman daw planong ligawan o agawin ni Andre si Liza kay Enrique Gil kaya sa mga LizQuen supporters huwag ninyong i-bash si bagets, ha.

Sa wakas ay buo na ang desisyon ni Andre na pasukin ang showbiz ngayong 2017 na dapat sana noon pa pero urong-sulong siya dahil nga may kaba siyang nararamdaman.

“Nag-usap po kami ni mommy (Aiko Melendez), sabi niya, ‘alam mo anak, nasa sa ‘yo ‘yan kung gusto mo ituloy o ayaw mo, pero ito lang ang masasabi ko sa ‘yo, hindi lahat ng tao nabibigyan ng oportunidad.’

“So ‘yun po, napag-isip-isip ko, siyempre tumatanda na po ako (19 years old), lumalawak na rin ang isip ko na gusto ko naman pala talaga (mag-artista), may mga ilang bagay lang talaga na (bumabagabag) sa akin.

“Siguro nga po ‘yung expectations o pressure po sa akin na naghahatak sa akin pababa, pero hindi ko naman po ginawang rason ‘yun para hatakin ako pababa,” paliwanag ng bagitong aktor.

Ang ibig sabihin ni Andre ay parehong sikat ang magulang niyang sina Aiko at Jomari Yllana na sa mga murang edad din ay sikat na sikat na lalo na nu’ng napabilang ang huli sa grupong Gwapings kasama sina Mark Anthony Fernandez at Erick Fructuoso.

“Aware naman po ako n asana nga ganu’n din ako, sana nga po magkaroon ng Gwapings part 3 at gusto ko pong makasama siyempre si Grae (Fernandez) po, kasi anak din siya ng isa pang Gwapings,” sabi ni Andre.

Si Erick ba may anak na kasing edad din nina Andre at Grae?

Okay lang din kay Andre na ikumpara siya sa tatay niyang si Jomari?

“Okay lang naman po kasi ganu’n talaga, may mga taong ganu’n mag-isip, hindi natin maiiwasan ‘yun. Nandito lang po ako (showbiz) para gawin kung ano talaga ang gusto ko, umarte,” katwiran ng binatilyo.

May bashers na rin si Andre na hindi naman niya nababasa kundi sinasabi lang sa kanya ng mommy Aiko niya dahil ito raw ang mahilig magbasa sa social media.

“Hindi naman po ako naapektuhan talaga, siguro nasanay lang po kasi sa school po namin kaming magbabarkada grabe kung mag-asaran talaga. Isa lang ang alam kong sinasabi sa akin, ‘yung kilay kong makapal at mukha raw akong caveman,” pahayag ng panganay nina Jom at Aiko.

Samantala, ipinatanggol ni Andre ang mommy Aiko niya sa papel nitong Emilia sa seryeng Wildflower at nanalong Best Supporting Actress sa katatapos na PMPC Star Awards for Television.

“Ang galing kasi talaga ni mommy para magalit sa kanya ‘yung viewers. Siguro po ikaklaro ko rin sa mga tao na huwag silang mag-alala dahil hindi naman ganu’n talaga si mommy, talaga pong trabaho lang po. Mabait naman po si mommy,” papuri ni Andre sa ina.

Hiningan din ng komento si Andre na magkakaroon na siya ng kapatid sa ama dahil kasalukuyang buntis ang non-showbiz girlfriend ni Jomari.

“Honestly po, sobrang excited ko kasi napakahilig ko po sa bata, kaya may aalagaan na po akong bata.

“Kasi po ‘yung kapatid ko ngayon, si Martina (anak ni Aiko kay Martin Jickain), gulat nga po ako kasi recently lang naglambing ako, niyakap ko at sabi ko, ‘kiss mo ako’…’ayoko nga!’ Gumanu’n na kaya naisip ko na ay matanda na si mimi (palayaw ng batang babae). Kaya nakaka-excite na finally, mayroon na akong malalambing,” kuwento ni Andre.

Paano nga ba maging kuya si Andre? “Sutil po akong kuya, iyon po kasi ang way ng paglalambing ko.”

Close din si Andre sa girlfriend ng daddy Jom niya na nakakasama niya kapag lumalabas.

Going back to BNY Jeans ay inamin ni Andre na mas pinili niya ito kaysa sa clothing apparel na ini-endorso ng daddy Jom niya.

“Nu’ng bata pa po ako, nakasama ako sa fashion show, pero ngayon po, mas gusto ko ang BNY para maiba naman, saka sakto po kasi ang mga design, pang millennials at ang maganda pa po, puwede kaming mag-design ng gusto namin,” say ng binatilyo.