Nina BELLA GAMOTEA at MARY ANN SANTIAGO

Inihayag ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Rails Cesar Chavez na may limang person-of-interest ang iimbestigahan ngayon kaugnay ng pagkalas ng bagon ng Metro Rail Transit (MRT)- 3 habang bumibiyahe nitong Huwebes.

Hindi naman pinangalan ni Chavez ang limang indibiduwal habang patuloy ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa insidente.

Aniya, malaki ang teorya na itinago ng suspek ang mesma card, o ang blackbox, para itago o i-cover up ang nangyari sa operasyon ng tren, kung hindi man ay tuluyan na itong sinira.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“Nag-iimbestiga po tayo ukol sa nangyari, at hinihintay po natin ang resulta ng imbestigasyon ng NBI bago tayo maglabas ng mga kaukulang pahayag,” sabi ni Chavez.

Makaraang lumutang ang anggulo ng sabotahe sa insidente, kaagad na itinanggi ng dating maintenance provider ng MRT na Busan Universal Rail, Inc. (BURI) na may kinalaman ito sa umano’y pananabotahe sa operasyon ng pinakaabalang train system sa Metro Manila.

Ayon kay Atty. Maricris Pahati, nai-turn over na nila ang maintenance sa DOTr matapos na tuluyan nang kanselahin ng kagawaran ang kanilang kontrata.

Samantala, tiniyak ni Transportation Assistant Secretary Elvira Medina na masusing pinag-aaralan ng kagawaran ang mga problemang kinakaharap ng MRT, pero walang dudang patuloy na bibiyahe ang mga tren nito.

Aniya, makalipas ang isa hanggang dalawang linggo ay inaasahang makapagsusumite na sila ng rekomendasyon kay Undersecretary Chavez.

Siniguro rin ni Medina na mas magiging mahigpit ang DOTr sa pagpapatupad ng mga polisiya sa yellow lanes simula ngayong Lunes.

Ito ay kasunod ng araw-araw na aberya sa mga tren ng MRT, na ang huli ay ang pagkalas ng isang bagon nito, na nagbunsod upang mapilitang maglakad sa riles ang nasa 140 pasahero patungo sa susunod na istasyon.