Ni: Lyka Manalo

MALVAR, Batangas - Naghain ng motion for reconsideration si Malvar, Batangas Mayor Cristeta Reyes sa Office of the Ombudsman matapos siyang pababain sa puwesto dahil umano sa pagbili ng lupa para sa itinayong eskuwelahan na pag-aari ng kanyang mga anak.

Bumaba sa puwesto nitong Miyerkules si Reyes matapos ihain sa kanya ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang dismissal order na inaprubahan at pirmado ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Ayon sa 13-pahinang desisyon, guilty si Reyes sa kasong “grave misconduct and is meted the penalty of dismissal from the service with the accessory penalties of cancellation of eligibility, bar from taking any Civil Service Examination, forfeiture of retirement benefits and perpetual disqualification for re-employment in the government service”.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Nag-ugat ang kaso sa umano’y pagbili ng alkalde ng lupa, sa halagang P6.6 milyon, para pagtayuan ng Santiago National High School, na nakapangalan sa kanyang mga anak.

Depensa ng alkalde, binili ng munisipyo ang 5,000 square meters na lupa dahil ito ang akma sa school building na required ng Department of Education (DepEd) at naibenta ito ng mas mababa sa market value.

Subalit sa Ombudsman ruling, iginiit nitong ang pagbili ng lupa para sa mga anak ng alkalde ay ipinagbabawal sa batas, at ikinukonsiderang kurapsiyon, alinsunod sa Section 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act 3019.

“We filed our motion for reconsideration with Ombudsman, kaya inaasahan ko’ng pag-aaralan nilang mabuti ang inihain ko na MR, dahil wala ako talagang ginawang mali. Ang nakinabang ay ang Malvar at hindi ako o ang pamilya ko,” sabi ni Reyes.

Naging basehan din sa desisyon ang bayaran ng lupa kahit wala pang notaryo ang deed of sale nito.

Kaugnay nito, sinuspinde rin ng Ombudsman nang siyam na buwan na walang suweldo ang municipal treasurer na si Yolanda Cabiscuelas, at ang budget officer na si Jeannette Fruelda.