Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, at ulat ni Fer Taboy

Balak ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng total revamp sa Philippine National Police (PNP) matapos niyang ibunyag na marami pa ring tiwaling pulis sa bansa kahit pa ipinangako niyang dodoblehin na ang suweldo ng mga ito.

Ito ang inihayag ni Duterte sa press conference sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City nitong Martes ng gabi, kasunod ng closing ceremony ng 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits.

“I’ll tell you the truth, PNP, National Police, there are a lot of scalawags there,” sabi ni Duterte. “Doblado na suweldo mo. Sana ‘wag naman akong makarinig ng kinokolektahan mo, kinikikilan mo. Sana naman ho.”

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sinabi ng Pangulo na kung hindi madadaan sa pakiusap ang PNP ay magpapatupad na lang siya ng total revamp sa pulisya bilang huling paraan ng pagpapatino sa mga pulis.

“Maybe we’ll have to revise everything. I said I need time after the busy days to ponder on it, sleep on it, and maybe come up with something,” ani Duterte.

Ayon sa Pangulo, aayusin muna niya ang proseso sa recruitment, sinabing pinepeke ng iba ang kanilang mga dokumento para makapasok sa PNP.

“There’s a serious problem about the recruitment. Kasi ‘yung iba, maski wala, they can produce a diploma then they can produce something of a clean record,” sabi ni Duterte.

“I will hold the agency responsible for the clearance. If it’s the NBI (National Bureau of Investigation), then I’m sure he will be fired and will be prosecuted,” babala ng Pangulo. “I have zero tolerance about graft and corruption.

Wala akong pinipili.”

Sinabihan din niya ang mga pulis na huwag maghihinakit sa mga ginagawa niya sa PNP.

“Ayaw ko may maghinakit sa akin pero somehow I have to do something,” ani Duterte. “I have four years and some months left. Maybe just give me on the third year, I’d be able to change something there. Not only with the police but with everybody.”

Matatandaang ilang operatiba ng PNP ang nasangkot saextortion, paglabag sa karapatang pantao, at extrajudicial killings habang nagpapatupad ng drug war, kaya naman binawi ito ng Pangulo sa pulisya at ipinaubaya na lamang sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Kaugnay nito, sinabi ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa na handa ang pulisya na tumupad sa tungkulin sakaling ibalik sa kanila ni Pangulong Duterte ang pagpapatupad sa drug war, kasunod ng pagbabalik umano ng mga “drug addict” sa mga komunidad, kasunod ng pagpatay at panununog sa isang bank teller sa Pasig City kamakailan.