Ni: Betheena Kae Unite

Nasa 360 kilo ng isda huli sa pagpapasabog ng dinamita ang nakumpiska ng pinagsanib-puwersang operasyon sa Real, Quezon nitong Martes, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Tinatayang nasa P36,000 ang halaga ng mga nakumpiskang isda.

Ayon sa PCG, isinagawa ang anti-illegal fishing operation ng mga tauhan ng Coast Guard Station Northern Quezon, Coast Guard Station Real, Municipal Fisheries and Aquatic Resources Council (M-FARMC), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Municipal Agricultural Office (MAGO) ng Real, sa karagatan sa Barangay Poblacion 61.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nadiskubre ng grupo ang mga isda habang iniinspeksiyon ang pampasaherong bangkang de-motor na “Kevin 2”, na inabandona sa dalampasigan ng Bgy. Poblacion 61 nitong Martes.

Kinumpirma at sinertipikahan ng isang eksperto mula sa BFAR na ang mga nakumpiskang isda ay nahuli sa pagpapasabog ng dinamita.

Dinala ang mga nakumpiskang isda sa tanggapan ng M-FARMC para sa kaukulang disposisyon.