Ni Tito S. Talao
LOS ANGELES – Tulad ng inaasahan, ipinamigay ng KIA ang pioneer player na si LA Revilla sa Phoenix kapalit ng karapatan sa 2018 second-round draft pick at kay rookie Jayson Grimaldo.
Kinumpirma ni Kia board of governor Bobby Rosales ang napagkasunduang trade nitong Martes (Miyerkules sa Manila) sa panayam sa Sofitel Hotel dito.
“We could have made it hard for him if we want to by sitting him out for the entire season. But hindi naman kami ganun. Kabuhayan din naman ito nung bata, so we just let him go,” pahayag ni Rosales.
“At tsaka mahirap din kung yung player ayaw na ring maglaro sa iyo. So it’s better that we just trade him,” aniya.
Aniya, hindi pa naisusumite sa PBA Commissioner’s Office ang naturang kasunduan para maaprubahan ng league commissioner.
Tanging si Revilla, nakuha ng Globalport bilang third-round pick noong 2013 draft, ang nalalabing orihinal na player sa KIA lineup na naging miyembro ng liga noong 2014 bilang isa sa dalawang bagong prangkisa kasama ang Blackwater.
Naging palaban ang KIA sa liderato ng dating La Salle stalwart na napatanyag nang maisalpak ang winning basket sa 2013 UAAP basketball finals. Naging miyembro rin siya ng Gilas Pilipinas training pool.
Ngunit, lumabnaw ang relasyon niya sa KIA management nang maglahad siya ng saloobin sa Twitter bilang pagsalungat sa desisyon ng KIA na i-trade ang karapatan sa NO.1 draft pick sa San Migue Beer sa nakalipas na Rookie Drafting kapalit ng tatlong bench-warmer player -- Ronald Tubid, Jay-R Reyes, Rashawn McCarthy, at 2019 first round pick.
Bunsod ng trade, nakuha ng SMB ang 6-foot-7 Fil-German sensation na si Christian Standhardinger na nagpalamas nang kahusayan at katatagan sa Gilas Pilipinas sa international tournament at sa HongKong Team sa Asian Basketball League (ABL).
Naging kontrobersyal ang trade nang payagan ito ni PBA Commissioner Chito Narvasa at tahasang tuligsain ng ilang miyembro ng PBA Board kabilang na si Alaska team owner Wilfred Uytengsu.
Nagpasa ng resolusyon ang seven-man PBA Board na kilala bilang Manny V. Pangilinan group para huwag nang i-renew ang kontrata ni Narvasa bunsod umano ng ‘loss of confidence’.
Ngunit, hinarang ito ng nalalabing limang miyembro ng board – Globalport, KIA, Star Hotshots, SMB at Ginebra – na kilala namang SMB group.
Wala pang malinaw na direksyon sa kasalukuyan ang PBA hingil sa naturang isyu, sa kabila nang isinasagawang ‘consultative meeting’ dito.
“Coach Joe (Lipa) already talked to him. He was again very apologetic and grateful to Kia for everything the team had given him. Nagpapasalamat nga raw sa akin,” pahayag ni Rosales.