Nina FER TABOY at JUN FABON
Walong kasapi ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang sumuko sa militar, bitbit ang kani-kanilang armas, nitong Sabado, sa Sulu.
Ayon sa report ng Joint Task Force Sulu (JTDS), sumuko sina Rakib Usman Mujakkil, Sadhikal Sabi Asnon, Jarrain Elil, Wahab Buklaw, Anggan Ali Sahaw, Bandi Ahadjula, Adih Manis Juhaini, at Alden Banon dakong 7:35 ng umaga nitong Sabado sa bayan ng Talipao.
Sinabi ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng JTFS, na sumuko ang walong bandido dahil umano sa walang tigil na opensiba ng militar laban sa teroristang grupo.
Inihayag pa ni Sobejana na ang walong sumuko ay pawang tauhan ng Abu Sayyaf leader na si Alhabsy Misaya.
Boluntaryong sumuko ang walong bandido kay 2nd Special Forces Battalion Commander Lt. Col. Jessie Montoya sa Sitio Bayug, Barangay Samak sa Talipao.
Bitbit ng mga bandido ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng dalawang M16 rifle, isang M14 rifle, at limang M1 Garand rifle.
Nauna rito, Sabado ng hapon nang naaresto sa Quezon City ang tatlong miyembro ng Abu Sayyaf na sina Abdulgaffar Jikiri, alyas “Abu Bakar Jikiri”, 19 anyos; Sadam Jhofar, 24; at Alim Sabtalin, 19, pawang nakatira sa 504-G. Salaam Compound sa Bgy. Culiat.
Bandang 5:15 ng hapon nitong Sabado nang dinakip ang tatlo ng pinagsanib-puwersa ng Quezon City Police District (QCPD), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at National Bureau of Investigation (NBI)-Counter Terrorism Division.
Nakumpiska sa tatlong suspek ang isang .45 caliber pistol, magazine na may apat na bala, isang .9mm caliber pistol na may apat na bala, dalawang M203 rifle grenade, at anim na cell phone.
Nakapiit na sa QCPD headquarters sa Camp Karingal ang mga suspek matapos kasuhan ng illegal possession of firearms, paglaban sa gun ban para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, at illegal possession of explosives.
Nadakip ang tatlong terorista sa kasagsagan ng paghahanda ng mga awtoridad para tiyakin ang seguridad sa ASEAN Summit na gagawin sa bansa ngayong linggo.