Ni: Bert de Guzman

KUNG totoo ang balitang lumabas noong Huwebes na “Rody to ask China: Do you want to control SCS?”, mukhang nabuhayan ng dugo ang ating Pangulo at nawala ang pagbahag ng buntot sa bansa ni Pres. Xi Jinping. Habang isinusulat ko ito, nasa Vietnam si Pres. Rodrigo Roa Duterte, at sinabing prangkahan niyang tatanungin ang China kung talagang layunin nito na kontrolin ang South China Sea o West Philippine Sea. Naitanong kaya niya?

Gayunman, marami ang nadismaya nang ipatigil niya sa military ang konstruksiyon ng mga kanlungan o nipa huts para sa mga mangingisdang Pinoy sa Pagasa Island matapos magprotesta ang idolong China tungkol sa pagtatayo ng nipa huts sa Sandy Clay malapit sa Pagasa Island.

Una rito, iniutos ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang paggawa ng mga kanlungan para sa mga mangingisda sa Pagasa. Ang Sandy Clay ay 2.5 nautical miles lang sa Pagasa maritime domain, ngunit may 10 nautical miles ang layo mula sa Beijing’s man-made island sa Zamora o Subi Reef. Sisimulan na sana ng military ang konstruksiyon sa naturang lugar, pero nagprotesta ang China at biglang atras si Mano Digong. Sabi nga ng mga kritiko, si PDU30 ay palamura sa US at European Union subalit tupi at tameme sa mga ginagawa ng China na pananakop sa WPS.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sinibak ni PRRD si ex-Gen. Dionisio Santiago bilang hepe ng Dangerous Drugs Board (DDB). Nasaktan daw siya sa komento ni Gen. Tagoy sa media na ang mega drug rehabilitation center sa Laur, Nueva Ecija ay “impractical” at “isang pagkakamali.”

Ayon kay Pres. Rody, hindi dapat nagsalita si Santiago sa media. Dapat daw ay kinausap siya at inilahad nito ang kanyang saloobin at opinyon nang silang dalawa lang. Masama rin ang loob ni Gen. Santiago sa pagkakasibak sa kanya dahil sa loob ng 40 taong panunungkulan sa gobyerno, hindi raw niya inaasahan ang gayong uri ng sitwasyon na pagpapaalis sa kanya sa puwesto.

Siya ay nagsilbing AFP chief of staff noong panahon ni ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo at naging hepe rin ng Philippine Drug Enforcement Agency. Hinirang siya ni Mano Digong bilang DDB chief noong Hulyo matapos sibakin si Benjamin Reyes nang itama nito ang pahayag ng Pangulo na may 4 milyon ang drug dependents kundi 1.8 milyon lamang.

Kung totoong may KARMA, mukhang nakakarma na si dating Pangulong Noynoy Aquino, aka Ex-PNoy. Iniutos ng Office of the Ombudsman na kasuhan ang binatang pangulo sa Sandiganbayan kaugnay ng Mamasapano tragedy noong 2015 na ikinamatay ng 44 na miyembro ng PNP Special Action Force.

Kinasuhan siya ng paglabag sa Section 3 ng RA 301 o Anti-Graft and Corrupt Practices at usurpation of official functions sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code. Naniniwala ang mga tao na hindi na dapat binigyan ng role o papel si dating PNP chief Alan Purisima, kaibigan ni Ex-PNoy, sa operasyon para mahuli o mapatay ang international terrorist na si Marwan sapagkat siya ay suspendido ng Office of the Ombudsman. Mahigpit itong itinanggi ni Ex-PNoy.

Kapag si Ex-PNoy ay nakarma at nakulong, tatlo ang naging pangulo ng Pilipinas na ang nakukulong. Una si dating Pangulong Estrada, pangalawa si GMA, at pangatlo si Noynoy na anak ng dalawang democracy icon na sina ex-Pres. Cory Aquino at ex-Sen. Ninoy Aquino, Jr.