Ni: Celo Lagmay
MAAARING nilalaro na naman ako ng malikot na imahinasyon, subalit matindi ang aking paniniwala na ang pagkakasamsam ng P10 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang condominium unit sa malapit sa Malacañang ay isang malaking insulto sa kampanya ng Duterte administration laban sa illegal drugs. Isipin na lamang na ang naturang droga na nakumpiska ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay mistulang nakaimbak sa halos bakuran ng Palasyo na natatanuran ng katakut-takot na security forces.
Hindi ko na sasalangin ang masalimuot na detalye hinggil sa nasamsam na bawal na droga. Sapat nang mabatid natin na ang naturang illegal drugs ay sinasabing nasamsam sa anak ng tinaguriang drug queen na si Yuklai Yu na 19 na taon nang nakapiit sa Correctional Institution for Women (CIW) dahil sa drug case. Hindi na rin natin bubusisiin pa ang bintang ng nasabing anak ng drug queen na tinaniman umano ng mga ebidensiya ang kanyang condo unit na pinabulaanan naman ng PDEA authorities.
Dahil sa nabanggit na drug operation, lalong tumindi ang aking paniniwala na tila hindi humuhupa ang pamamayagpag ng mga users, pushers at drug lords. Tila tinatawanan lamang nila ang maigting na paglipol ng administrasyon sa nasabing mga sugapa sa illegal drugs. Lalo na nga nang mistulang inalisan ng pangil ang Philippine National Police (PNP) sa pagsugpo ng kasumpa-sumpang bisyo na sumisira sa kabataan at sa bansa.
Naniniwala ako na naglipana pa rin ang mga pushers na nagbebenta ng shabu, isang patunay na tila hindi nababawasan ang shabu suppliers; na may mga drug laboratory pa rin na lihim ang operasyon na hinihinalang kinakandili ng mga sektor na walang inaatupag kundi pabagsakin ang administrasyon sa pamamagitan ng extrajudicial killings (EJKs) na ibinibintang sa padaskul-daskol na kampanya laban sa droga. Totoo kaya ang sapantaha na may mga drug laboratory pa rin sa ilang maluhong mga subdibisyon at drug deposits, tulad ng natuklasan sa malapit sa Malacañang?
Hindi napapawi ang aking... paniniwala na may mga drug laboratories sa mga barko na naglalayag sa karagatan, tulad ng nasabat kamakailan ng ating mga alagad ng batas. At lalong hindi malayo na ito ang nagsu-supply ng droga sa mga komunidad; na idinadaan ito sa dalampasigan ng ating mga isla. Halos imposibleng masabat ang mga drug suppliers lalo na kung iisipin na ang ating bansa ang may pinakamalawak at pinakamahabang dalampasigan sa buong mundo.
Tulad ng ating laging ipinahihiwatig, ibayong pagpapaigting ang kailangan upang ganap na malipol ang illegal drugs; upang mapawi ang pag-insulto ng mga sugapa sa drug campaign ng Duterte administration.