Ni: Argyll Cyrus B. Geducos at Beth Camia

Nagbitiw na sa puwesto nitong Lunes si Dangerous Drugs Board (DDB) Chairman Dionisio Santiago, at napaulat na ito ay batay sa kagustuhan ni Pangulong Duterte.

Former Armed Forces of the Philippines (AFP) chief general Dionisio Santiago gives his opinion  during the weekly morning forum at the Luneta Hotel  in Kalaw Avenue, Manila yesterday. (JOHN JEROME GANZON)
Former Armed Forces of the Philippines (AFP) chief general Dionisio Santiago gives his opinion during the weekly morning forum at the Luneta Hotel in Kalaw Avenue, Manila yesterday. (JOHN JEROME GANZON)

Ito ang sinabi ni Santiago kahapon nang kapanayamin ng ABS-CBN.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

“Malacañang knows best. The boss is always right,” sabi ni Santiago.

Napaulat din na si Executive Secretary Salvador Medialdea ang nagparating kay Santiago ng umano’y direktiba ng Presidente.

Nabatid na nitong Lunes ipinasa ni Santiago sa Malacañang, sa pamamagitan ng email, ang kanyang isang-pahina na may dalawang pangungusap na resignation letter na nagsasaad na “irrevocable” ang pagbibitiw niya sa tungkulin “effective immediately” at may personal na bagay siyang dapat na asikasuhin.

Iginiit din ni Santiago na wala siyang sama ng loob sa Pangulo. “Alam mo naniniwala ako sa Rule No. 1. The Boss is always right. Rule No. 2: If you think the Boss is not right, refer to Rule No. 1,” aniya.

Gayunman, hindi magawang kumpirmahin ni Presidential Spokesperson Harry Roque kung nagbitiw na nga sa puwesto si Santiago.

“I have not received any information on this regard. No confirmation,” sinabi ni Roque sa mga Malacañang reporter kahapon ng umaga. “Although I’ve heard that he has resigned, I have no formal information and official information in this regard. We’re verifying it.”

Nag-resign ang DDB Chairman matapos mabalita ang komento niya sa isang panayam na isang “mistake” ang pagpapagawa sa mega drug rehabilitation facility sa Nueva Ecija.

“That was a mistake. Ang problema, naging excited si President,” sinabi ni Santiago sa panayam sa kanya ng ANC noong nakaraang linggo. “‘Yung ginasta doon, puwedeng ginamit sa mga community-based rehab ‘yun, maliliit which can only accommodate siguro mga 150 to 200.”

Ang nasabing pasilidad, na may 10,000-bed capacity, ay inasahang makatutulong sa libu-libong drug surrenderer kaugnay ng kampanya kontra droga, subalit nasa 311 lamang ang pasyente rito noong Hunyo 2017.

Itinalaga ni Pangulong Duterte noong Hulyo 10, 2017, ikalawa na si Santiago na DDB chairman na nagbitiw sa puwesto sa administrasyong Duterte.

Sinibak ang pinalitan niyang si Benjamin Reyes dahil taliwas ang inilabas nitong bilang ng mga adik sa bansa sa taya ng Pangulo. Sinabi ni Duterte na may kabuuang apat na milyon ang lulong sa droga sa Pilipinas, gayung 1.8 milyon lang ang taya ni Reyes.