Ni: Mary Ann Santiago

Dumanas kahapon ng magkakasunod na aberya ang mga tren ng Light Rail Transit (LRT)-Line 1 at Metro Rail Transit (MRT)-Line 3 sanhi upang maabala ang mga pasahero ng mga ito, sa kasagsagan pa naman ng rush hour.

Batay sa abiso ng pamunuan ng LRT-1, nakaranas ng aberya ang biyahe ng isa nilang tren sa bahagi ng Doroteo Jose Station sa Sta. Cruz, Maynila pasado 8:00 ng umaga.

Hindi naman tinukoy kung anong partikular na problema ang naranasan, ngunit sinabing kinailangang itigil pansamantala ang biyahe ng mga tren para sa kaligtasan ng mga pasahero.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Kaagad namang natugunan ang problema at naibalik sa normal ang biyahe pagsapit ng 8:18 ng umaga.

Sa abiso naman ng pamunuan ng MRT-3, nabatid na tatlong sunud-sunod na aberya ang naitala nito kahapon lamang ng umaga dahil sa mga problemang teknikal.

Ang unang aberya ay naganap dakong 8:12 ng umaga nang pababain ang mga pasahero sa Cubao Station southbound, dakong 9:47 ng umaga naman ang ikalawang aberya sa northbound ng Magallanes Station, at ang ikatlo ay naitala dakong 10:23 ng umaga sa southbound ng Santolan Station.

Kaugnay nito, tuluyan nang tinapos ng Department of Transportation (DOTr) ang maintenance contract ng Busan Universal Rail, Inc. (BURI) sa MRT-3 dahil na rin sa halos araw-araw at paulit-ulit na aberya ng mga tren nito sa nakalipas na mga araw.

Nabatid na kahapon ay tuluyan nang inihain ni Transport Assistant Secretary for Legal Affairs, Atty. Steve Pastor sa tanggapan ng BURI ang pinal na desisyon ng DOTr na nagte-terminate sa kanilang kontrata para sa maintenance ng MRT-3.