Nina Anna Liza Villas-Alavaren at Mary Ann Santiago

Hinimok ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko na lumabas sa Metro Manila at samantalahin ang ilang araw na bakasyon upang mapaluwag ang mga pangunahing kalsada para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ngayong buwan.

“We are asking the public to take advantage of the holiday season and head out of town if possible to avoid traffic inconvenience that may happen during the ASEAN Summit,” sabi ni Emmanuel Miro, head of operations ng Task Force ASEAN ng MMDA, na nagsagawa kahapon ng briefing sa nasa 300 traffic enforcer na ipakakalat sa summit.

Simula Nobyembre 11 hanggang 15, sinabi ni Miro na pansamantalang isasara sa mga motorista ang malaking bahagi ng EDSA tuwing dadaan ang mga convoy ng 22 dayuhang pinuno na magtutungo sa summit venue.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

‘BUKAS-SARA’ SA EDSA

“Motorists should expect closure of EDSA-southbound from Nov. 11 to 13 and EDSA-northbound from Nov. 14 and 15 at certain periods of the days,” ani Miro.

Inilaan ang dalawang inner lane para sa ASEAN convoy sa magkabilang bahagi ng EDSA, mula sa Balintawak hanggang Magallanes Avenue.

“We predict a five to 10 minute closure on EDSA and other major thoroughfares whenever convoys, with a speed of 80 to 100 kilometer per hour speed, would traverse,” sabi ni Miro.

May kabuuang 3,418 tauhan ng MMDA, kabilang ang mga traffic enforcer at road at rescue emergency teams, ang ipakakalat.

TRAFFIC REROUTING SA MAYNILA

Samantala, isasara na bukas sa mga motorista ang mga kalsada sa paligid ng Quirino Grandstand sa Rizal Park para sa

send-off ceremony ng security contingent na magbabantay sa 31st ASEAN Summit.

Ayon kay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, simula 10:00 ng gabi ay sarado na sa mga motorista ang Independence Road, Katigbak Drive, at South Drive upang bigyang-daan ang send-off ceremony ng 23,000 security personnel na bumubuo sa ASEAN Security Task Force.

Inihayag din ng alkalde na magpapatupad ang Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ng traffic rerouting upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko.

Sa abiso ng MDTEU, lahat ng sasakyan mula sa Bonifacio Drive at P. Burgos na dadaan sa Katigbak Drive, gayundin ang magmumula sa Roxas Boulevard at TM Kalaw Street, na nais dumaan sa South Drive ay maaaring dumiretso sa Roxas Boulevard patungo sa kanilang destinasyon.

Ang mga behikulo namang magmumula at magtutungo sa Manila Ocean Park/H20 Hotel at Manila Hotel ay maaaring dumaan sa Katigbak Drive bilang access road.