NI: Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea

Nabalot ng takot ang isang pampasaherong bus nang magdeklara ng holdap ang tatlong kriminal, na pawang armado ng balisong at baril, at kinuha ang mga personal na gamit ng mga pasahero nito sa Pasay City kamakalawa.

Ayon sa isa sa mga biktima, ang 24-anyos na si Marianne Joy Figuracion, naganap ang insidente sa loob ng pampasaherong bus (1301-000032186) ng Admiral Transport Inc., dakong 12:45 ng madaling araw.

Ayon kay Figuracion, data analyst sa Makati City, pauwi na siya mula sa trabaho at nasa Malibay footbridge na ang sinasakyan niyang bus nang tumayo ang tatlong suspek at nagdeklara ng holdap.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Papatawid ang bus sa EDSA patungong Baclaran, Parañaque.

Isa sa mga suspek ang lumapit kay Figuracion at kinuha ang kanyang backpack.

Ayon sa mga imbestigador, tinangay ng mga suspek ang isang cellular phone, na nagkakahalaga ng P15,000; isang laptop, P45,000; P700 cash; at iba’t ibang ATM card at mga ID.

Inilarawan ni Figuracion ang mga suspek na pawang nakasuot ng t-shirt at short pants.

Matapos ang insidente, sinabi ni Figuracion na agad bumaba ang mga suspek at tumakas.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow up investigation upang maaresto ang mga suspek.