Ni: PNA

DAGUPAN CITY – Matikas ang kampanya ng City of Dagupan sa katatapos na 2017 Batang Pinoy Luzon Qualifying Leg sa Vigan City, Ilocos Sur.

Humakot ang Dagupan City ng siyam na gintong medalya, 15 silver at siyam na bronze. Nagningning ang Dagupan sa swimming (lima), archery (tatlo) at karatedo (isa) sa torneo na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) bilang bahagi ng grassroots sports program ng pamahalaan.

Personal na ipinahatid ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez ang pagbati sa delegasyon sa tagumpay na nagbigay dangal sa lungsod. Naghihintay umano ang cash incentives para sa mga medallists.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakopo ni Dagupan’s star swimmer Janelle Alisa Lin, gumawa ng marka sa national meet noong 2016 Batang Pinoy National Championships sa Tagum City, Davao del Norte, ang tatlong ginto at dalawang silver medal.

Pinagbidahan niya ang 800m, 400m at 200-meter freestyle, habang sumegunda sa 200m at 400m individual medleys.

Nag-ambag naman sina swimmers Marco Rioflorido at Iverson Fabiana sa tagumpay sa 200-meter backstroke at 100-meter freestyle, ayon sa pagkakasunod.

Nagwagi rin si Rioflorido ng silver medal sa 1500-meter, 100-meter backstroke at 400-meter freestyle, habang si Fabiana ay bronze medalist sa 200-meter freestyle.

Nagwagi naman ng bronze ang girls’ team nina Mari Alexie Adriano, Lin, Letecia Macanlalay at Sophia Garcia sa 4x50 medley, habang silver sa 4x50 freestyle realy sina Sophia de Vera, Garcia, Lin at Macanlalay.

Nasa pangangasiwa ang mga swimmers ng Balon Dagupan Swimming team ni Dagupan Sports Commissioner Finela Sim, dating miyembro ng De La Salle Swimming Team sa UAAP.