Ni AARON B. RECUENCO

Ikinokonsidera si Bislig City Mayor Librado Navarro bilang person of interest sa pagpatay sa broadcaster na si Christopher Lozada, na binaril ng mga hinihinalang gun-for-hire group members, nitong Martes ng gabi.

Ito ay makaraang kumpirmahin ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na una na silang nakatanggap ng liham mula mismo kay Lozada, 29, na nagsasabing pinagbabantaan ng alkalde ang kanyang buhay.

Sinabi ni PTFoMS executive director Undersecretary Joel Sy Egco na kaagad nilang inalok ng security si Lozada pero tumanggi ang huli at sinabi sa kanila na naghain na siya ng reklamo at nais niyang documented ang insidente upang mapanagot ng Task Force si Navarro sakaling may mangyari sa kanya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tinukoy ni Lozada ang umano’y mga text message ni Navarro na direktang nagbabanta sa kanyang buhay kaugnay ng kaso na inihain ng mamamahayag laban sa alkalde sa Office of the Ombudsman.

Nakasaad sa liham ni Lozada na sinabihan umano siya ni Navarro “to leave Bislig City if you do not want to die”, at sabay silang bababa—si Navarro sa puwesto, at si Lozada sa hukay.

“He (Lozada) suspected that Navarro wanted him killed because the Office of the Ombudsman ordered his removal as mayor based on the complaint that he filed,” ani Egco.

Sinabi pa ni Egco na bilang tugon sa liham ni Lozada ay sumulat ang Task Force kay Navarro at pinaalalahanan ito laban sa pananakot sa broadcaster.

“The red flag warning against Mayor Navarro was in response to the complaint of Lozada. But Lozada was killed even before the letter reached the Mayor,” sabi ni Egco.

Bandang 9:00 ng gabi nitong Martes nang barilin si Lozada ng mga armadong sakay sa van, habang pauwi siya at kanyang nobya sa Bislig City. Kaagad na nasawi si Lozada, habang nasugatan naman ang kasintahan niya.

Ayon kay Egco, magsasagawa ng case build-up ang PTFoMS laban sa alkalde.