nina Aaron B. Recuenco, Liezle Basa Iñigo, at Rommel P. Tabbad

Aabot na sa 14 na katao ang nasawi at mahigit 6,000 pamilya ang naapektuhan ng matinding baha sa Zamboanga City at sa iba pang dako ng Zamboanga Peninsula dahil sa pag-uulan.

Batay sa record ng pulisya at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), siyam ang nasawi sa Zamboanga City, tatlo sa Zamboanga Sibugay, at dalawa sa Zamboanga del Norte.

Kinilala ang mga namatay sa Zamboanga City na sina Sonny Sajahari, 65; Nadimar Amil, 17; Erson Bernon, 9; Antonio Cellado, 40; Ruben Abao, 22, pawang nalunod; nadaganan ng nabuwal na puno sina Nasir Sajili at Nursilin Sajili; nakuryente si Sifhitri Indanan; habang nasapol naman ng kidlat si Mansur Failan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa Zamboanga Sibugay, nalunod din sina Arman Camacho, ng Buug; at Ariel Villaronte, 16, ng Malangas; samantalang natabunan naman ng lupa sa Imelda si Maridel Terrano.

Sa Zamboanga del Norte, pagkalunod din ang ikinasawi ni Nicasio Pagat sa bayan ng Labason, habang kabilang din sa nasawi si Aina Pangilan sa Sibuco.

Kaugnay nito, ipinag-utos kahapon ni Cagayan Gov. Manuel Mamba sa Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team ang mabilisang sand-bagging at relief operations sa mga barangay ng Punta at Bisugu sa bayan ng Aparri, dahil sa mataas na baha.

Sinabayan ng high tide, binaha ang nabanggit na lugar at mga karatig nito sa pagtaas ng tubig dagat dahil sa napalakas na hangin na dulot ng bagyong ‘Paolo’.

Kinumpirma naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nakalabas na kahapon sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Paolo, na huling namataan sa layong 1,345 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Basco, Batanes.

Tinatahak nito ang direksiyon ng Japan sa bilis na 30 kilometers per hour (kph).

Taglay ng Paolo ang lakas ng hanging 185 kph at may pagbugsong nasa 225 kph.

Sa kabila nito, magkakaroon pa rin ng kalat-kalat na mahina hanggang sa katamtamang ulan sa Bicol Region, Eastern Visayas at Palawan.