LUKANG-LUKA ang kilalang indie actress sa isang production company na namayagpag noon pero dahil sa may malaking pagbabago sa network na konektado ay humina na ang raket.
“Pinakiusapan ako ni ___ (may-ari ng production company) na kung okay sa akin ang mababang talent fee kasi for advocacy ang gagawin naming film,” kuwento ng kilalang indie actress. “Actually, kulang na lang ilibre kami kasi advocacy nga. Pumayag naman ako, actually hindi lang ako pala ang kinausap ng ganu’n, may mga kaibigan din ako na ganu’n din ang sinabi sa kanila.
“’Tapos nagulat na lang kami nu’ng magpang-abot kami ni ___ (may-ari ng production company) sa meeting sa (TV network) at pini-pitch nila ‘yung film na ginawa namin for advocacy!
“Tinitingnan ko sila, hindi sila makatingin sa akin. Wala naman akong magawa na kasi tapos nang makunan. Kaya sasabihan ko ang mga kaibigan ko na mag-ingat na sila do’n (production company) kasi para makalibre o makakuha ng sobrang babang talent fee ng artista ang sinasabi nila advocacy film. Bakit hindi sinasabi ang totoo?”
Nagulat kami sa kuwentong ito, ha? Kaya pala tinanong kami noon ng isang premyadong aktres nu’ng mag-inquire kami ng TF niya para sa isang indie movie at ang sagot sa amin ay, “Sure bang indie ‘yan? Kasi may sinasabi indie pero ang totoo pang-mainstream na. Iba kasi ang TF sa indie lokal, indie for international release at pang-mainstream o commercial.”
Hayun, ganu’n pala ang pagkakaiba-iba ngayon.
“Madali akong kausap,” sabi pa ng kilalang indie actress, “kasi tumatanggap naman ako maski libre nga, ‘wag lang akong lolokohin.” --Reggee Bonoan