Ni: Chito A. Chavez
Walang nakuhang kontrabando sa pasilidad ng Caloocan City Jail (CCJ) nang magsagawa ng greyhound operations ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), mga police at jail officers kahapon.
Sa tulong ng apat na sniffing dogs, naghanap ang mga operatiba ng ilegal na droga at kontrabando sa loob ng dalawang gusali ng nasabing piitan at sa 12 selda, kabilang ang infirmary section, sa loob ng dalawang oras ngunit tanging “plain garbage” ang nakuha.
Sa ganap na 5:20 ng madaling araw, sinimulan ang operasyon kung saan isa-isang hubad na pinalabas ang lahat ng 2,360 preso at sinabihang magsama-sama sa basketball court.
Matapos kapkapan ang mga preso, isa-isa namang ininspeksiyon ng PDEA agents ang mga selda sa kahilingan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) bilang parte ng kanilang “Oplan Linis” program.
Ayon kay CCJ wardress Supt. Felly Cebuma, naging mabunga ang mahigpit nilang pagpapatupad ng mga patakaran sa kulungan sa kakaunting “garbage” na nakuha sa mga selda.