Ni: Roy C. Mabasa
Ano ang ginagawa ni Senator Antonio Trillanes sa loob ng US Congress sa Capitol Hill sa Washington D.C. nitong Martes (Miyerkules ng umaga sa Maynila) ng hapon?
Ayon sa mga mapagkakatiwalaang source sa US capital, namataan si Trillanes sa courtesy call ni Florida Sen. Marco Rubio habang kasama ang isa pang Amerikanong mambabatas.
Naiulat na nangyari ang pulong bandang 4:00 ng hapon nitong Martes (4:00 ng umaga ng Miyerkules sa Maynila) at tumagal ng ilang minuto.
Sinabi ng mga source na ikinuwento ni Trillanes kay Rubio ang isyu tungkol sa extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng Duterte administration, kabilang ang pagpatay sa mga menor de edad na sina Kian Lloyd Delos Santos at Carl Arnaiz.
Napag-alaman din na makikipagkita ang senador sa iba pang “personalities” sa Washington D.C. upang iprisinta ang kanyang kaso laban sa Pangulo, at posibleng hikayatin ang mga Amerikanong mambabatas na kondenahin ang EJKs sa ilalim ng drug war ni Duterte.
Bumisita si Trillanes sa Washington habang abala ang Pilipinas sa paghahanda sa ASEAN Summit sa susunod na buwan, na dadaluhan ng mahigit 12 world leaders, kabilang si US President Donald J. Trump.