Ni: Orly L. Barcala

Arestado ang isang binata matapos ipagkanulo ng lalaking binebentahan nito ng baril sa Valenzuela City, kamakalawa ng umaga.

Sa panayam kay SPO4 Armando De Lima, officer-in-charge ng Station Investigation Unit (SIU), paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act o RA 10591 ang isinampang kaso laban kay Jerome Mark Dabu, 39, ng A. Tongco Street, Barangay Malinta ng nasabing lungsod habang pinaghahanap na ang kanyang kasabwat na kinilalang si “Sputnik.”

Sa imbestigasyon nina SPO1 Ronald Tayag at PO3 Laude Pillejera, nagpunta ang mga suspek sa bahay ng isang Teofilo Dimalanta sa Bgy. Malinta at inalok ng shotgun sa halagang P3,500, bandang 10:30 ng umaga.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

“Natakot po ako kasi wala namang lisensiya ‘yung ibinebentang baril, baka maging dahilan pa ‘yan ng pagkakakulong ko,” ani Dimalanta.

Pinaghintay ni Dimalanta ang dalawa sa labas ng kanilang bahay at sinabing magwi-withdraw lang ito.

Subalit lingid sa mga suspek na sa Police Community Precinct (PCP) 4 dumiretso si Dimalanta at nagsumbong sa mga pulis kaugnay ng ilegal na baril na ibinebenta sa kanya at tuluyang naaresto si Dabu.

Sa presinto, sinabi ng suspek na ipinabebenta lang sa kanya ni Sputnik ang shotgun dahil may sakit umano ang anak nito.