Nina VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at JEFFREY G. DAMICOG
Ipinag-utos ng Senado sa 14 na miyembro ng Aegis Juris fraternity na isinasangkot sa pagpatay kay Horacio “Atio” Castillo III, 22, na dumalo sa hearing ngayong araw, Oktubre 18.
Nag-isyu ng subpoena si Senator Panfilo Lacscon, chair ng committee on public order and dangerous drugs, laban sa 14 na miyembro ng Aegis Juris sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa ganap na 9:30 ng umaga.
Kabilang sa mga ito si Ralph Trangia, na tumakas kasama ang kanyang ina patungong United States at muling bumalik sa Maynila at isinuko ang kanyang sarili sa awtoridad.
Kabilang sa mga ipinatawag sina Arvin Balag, Aeron Salientes, Mhin Wei Chan, Mark Anthony Ventura, Oliver John Audrey Onofre, Ranie Rafael Santiago, Zimon Padro, Joshua Joriel Macabali, Karl Matthew Villanueva, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew Rodrigo, Axel Munro Hipe, at Marcelino Bagtang.
TESTIMONYA NI SOLANO ISISIWALAT
Winelcome ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang desisyon ng Senado na ilabas ang testimonya ni Aegis Juris fratman John Paul Solano kaugnay ng pagpatay kay Castillo.
“It is good so it will be considered as part of the evidence in the case,” mababasa sa text message ni Aguirre.
Kasalukuyang nagsasagawa ng preliminary investigation ang Department of Justice (DoJ) sa mga inihaing reklamo ng mga magulang ni Castillo at ng Manila Police District (MPD) laban sa mga sangkot sa pagkamatay ng University of Sto. Tomas (UST) law student.
Si Solano ang pinangalanang respondent sa mga reklamo.
Ayon kay Lacson, ilalabas ngayon (Oktubre 18) ng Senado ang transcript ng testimonya ni Solano na isinagawa bago ang closed-door Senate executive session nitong Setyembre 25.
Nag-isyu na ang Senado ng resolusyon sa paglalabas ng testimonya ni Solano matapos nitong mabigong mag-isyu ng sworn affidavit sa kung ano ang nangyari at sinu-sino ang saksi sa initiation rites kay Castillo.
Hanggang Oktubre 16 ang ibinigay na palugit ng Senado kay Solano upang isumite ang kanyang sworn affidavit na kanyang ikinabigo.
“Solano, during the executive session and in the presence of counsel, divulged vital information that will help the authorities solve the case, prosecute the culprits, and give justice to the death of Atio Castillo,” mababasa sa resolusyon.