Ni BELLA GAMOTEA

Walang pasok sa lahat ng paaralan at opisina ng pamahalaan ngayong araw, sa pagsisimula ng dalawang araw na tigil-pasada na ikinasa ng ilang grupo ng mga jeepney operator at driver.

Sinabi kahapon ni Presidential spokesman Ernesto Abella na sinuspinde ang klase at trabaho sa gobyerno upang hindi mahirapan ang mga estudyante at mga empleyado na siguradong maaapektuhan ng tigil-pasada ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) at kaalyado nitong No To Jeepney Phaseout Coalition.

Hindi kasama sa suspension ang mga pribadong opisina at ipinaubaya na sa mga may-ari ang desisyon kung papapasukin ang kani-kanilang mga empleyado.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ipauubaya rin sa Kongreso, Supreme Court, independent bodies at constitutional commission kung magsususpinde ng trabaho.

Nilinaw ni Martin Andanar, secretary ng Presidential Communication and Operations Office (PCOO), na hanggang ngayong araw lang ang suspension ng klase at opisina ng gobyerno.

Maglulunsad ang Piston ng transport strike bilang pagtutol sa isinusulong na jeepney modernization program ng pamahalaan.

Unang nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na sususpendehin ang mga prangkisa ng mga operator na lalahok sa tigil-pasada.

Sinabi naman ng lider ng limang transport group na gaya ng dati, hindi sila sasali sa tigil-pasada na pamumunuan ng Piston.

Hindi lalahok ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap), Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at ang Pangkalahatang Sanggunian Manila and Suburbs Drivers Association (Pasang Masda).

Samantala, tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), katuwang ang ilang ahensiya ng gobyerno, na walang mai-stranded na pasahero sa transport strike.

Tiniyak naman ng pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na handa sila para sa dalawang araw na tigil-pasada sa Metro Manila.

Inatasan ni NCRPO Regional Director Oscar Albayalde ang lahat ng nasasakupang district directors na makipag-ugnayan sa kanilang local government units (LGUs) para sa libreng-sakay at pagtatayo ng Police Assistant Desks (PADs).

Sinabi ni Chief Insp. Kimberly Molitas, tagapagsalita ng NCRPO, na mag-iikot si Albayalde sa mga apektadong lugar.

Inutos din ni Southern Police District (SPD) Director, Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr. sa mga nasasakupang pulis na sawatahin ang anumang insidente sa kasagsagan ng tigil-pasada at tulungan ang mga commuter upang hindi mai-stranded. - May dagdag na report si Genalyn Kabiling