Ni FRANCIS T. WAKEFIELD
Ipinagtanggol kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Police Director Ronald “Bato” dela Rosa ang mga pulis na nagsagawa ng buy-bust operation sa Tondo, Maynila nitong Miyerkules.
Isinagawa ang anti-drugs operation, na naging sanhi ng pagkamatay ng tatlong lalaki, isang araw matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang executive order na ipinauubaya na ang lahat ng anti-drug operation sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kinilala ng awtoridad ang mga suspek na sina Rolando “Rolly” Campo, 60; Sherwin Bitas, 34; at isang alyas “Kalbo”, na tinatayang nasa edad 20.
Sa isang panayam, sinabi ni Dela Rosa na ang executive order o ang detalye tungkol sa EO ay hindi agad nakarating sa kanila bago isinagawa ang police operation. Bukod diyan, walang malinaw na direktiba mula sa PNP headquarters.
“Hindi pa lumabas ‘yong executive order nung, hindi pa nakarating sa kanila ‘yong executive order nung ginawa nila ‘yong operation. Wala pang klarong directive galing dito sa aming headquarters,” sabi ni Dela Rosa.
“Oo the order has not been cascaded,” dagdag ni Dela Rosa.
Sinabi rin ni Dela Rosa na walang nilalabag ang mga operatiba kaugnay ng direktiba ng Chief Executive. Ngunit kung may naganap na pang-aabuso sa operasyon, haharap sila sa mga parusa.
“As far as the pronouncement of the president, wala pa. Pero kung may ginawa sila doon na mali doon sa operation nila then pananagutan nila ‘yon,” pahayag ni Dela Rosa.
“Pero iyung directive hindi pa na cascade down to the station level kaya naghihintay pa sila ng kwan. They took into me na pw’ede pa, na okay pa silang magtrabaho,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Dela Rosa na hindi lahat ng pulis ay nakaantabay sa telebisyon at radyo para pakinggan ang mga pahayag at kautusan ng Pangulo.
“Oo, depende na ‘yon sa ginawa nila sa ground. Kung may violation sila sa (habang isinasagawa ang) operation, pero ‘yong kapag conduct ng operation nila per se in relation to the directive of the president... “
“Hindi naman lahat ng pulis nakatutok sa TV, nakikinig sa radyo sa mga sinasabi ng president. Nasa field din sila, nagtratrabaho so sige lang. Pero itong mga susunod na araw na ito, very clear naman nakarating na sa kanila ang directive, violation na iyan kapag iyan ay kanilang gagawin,” sabi ni Bato.