Ni: Chito A. Chavez

Inaresto kahapon ang warden ng Metro Manila District Jail (MMDJ) sa isinagawang Greyhound Operation na naging sanhi ng pagkakasamsam sa napakalaking halaga ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia at iba pang kontrabando.

Ipinag-utos ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Chief Superintendent Deogracias Tapayan ang pag-aresto kay MMDJ Warden Gemelo Taol matapos madiskubre ang mga hinihinalang shabu na itinago sa garapon ng asin, mga nakamamatay na armas at iba pang ipinagbabawal sa sorpresang inspeksiyon sa kanyang pasilidad.

Nadiskubre rin ng mga operatiba ng BJMP ang 40 cell phone, 62 sim cards, 9 USB devices, 71 pakete at 239 na stick ng sigarilyo, 409 na stick ng tobacco na ibinalot sa papel, at P88,220 cash.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay BJMP spokesman Senior Inspector Xavier Solda, si Jail Chief Inspector Conrad Basilio ang hahalili kay Taol.

Idinagdag niya na ang operasyon sa MMDJ ay parte ng OPLAN LINIS PIITAN na ipinatutupad sa 475 district, city at municipal jails sa bansa.

“We want to get rid of contrabands in jails especially cellular phones and illegal drugs and even personnel who is in cahoots with the inmates”, sabi ni Tapayan.

“We will not stop hanggang maubos namin ang mga kontrabandong ito tutal ito naman talaga ang trabaho namin; pigilan naming makapasok ang mga kontrabandong ito at kung makapasok, paano namin papanagutin ang mga involved na personnel” dagdag niya.

Ang Oplan Linis Piitan ang pangunahing programa ng bagong acting chief ng BJMP upang malinis ang mga selda sa mga kontrabando at tiwaling tauhan.