Ni: Joseph Jubelag

GENERAL SANTOS CITY – Iniimbestigahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tatlong mayor sa SOCSCSKSARGEN Region (South Cotabato-Cotabato-Sultan Kudrat-Sarangani-General Santos City) na iniuugnay sa illegal drugs network ng inaresto at hinihinalang drug lord na si Maasim, Sarangani Mayor Aniceto Lopez Jr.

Ayon kay PDEA director-general Aaron Aquino, nabunyag ang kaugnayan ng tatlong mayor sa illegal drug trade batay sa mga nilalaman ng ‘green book’ na nakuha ng PDEA agents nitong Biyernes sa bahay ng alkalde sa Barangay Lumasal, Maasim, na nauwi sa pagkakasamsam sa isang kilong shabu na nagkakahalaga ng P5 milyon, ilang baril, pampasabog, at kagamitan sa pagluluto ng shabu.

Sinabi ni Aquino na nakasaad sa ‘green book’ ang mga pangalan ng tatlong mayor na iniugnay sa illegal drug transactions ng El Patron drug network, na umano’y pinamumunuan ni Lopez.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“We are closely monitoring the illicit activities of the three mayors who will be next target of our anti-drug operations,” sabi ni Aquino.

Kinasuhan na ng PDEA nitong Lunes sa prosecutor’s office sa Alabel ng illegal possession of drugs and firearms and explosives si Lopez.

Ayon kay PDEA-Region 12 Director Cesario Gil Castro, ang El Patron drug ring ay may kaugnayan sa local narco-terror group na Ansar-Khilafah Philippines na may koneksiyon sa drug network ng napatay na sina Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog at Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, at ng nakakulong na drug lord na si Herbert Colangco.