BINOKYA ng National University ang University of the East, 5-0, kahapon para makausad sa championship round ng UAAP Season 80 men’s badminton tournament sa Rizal Memorial Badminton Center.

Nanaig sina Alvin Morada, Keeyan Gabuelo at Alem Palmares sa tatlong singles match, habang kumamada ang tambalan nina Christian Cuyno at Mike Minuluan, gayundin sina Morada at Palmares sa doubles event para kumpletuhin ang six-team ties at patatagin ang kampanya na maidepensa ang titulo.

Nahila rin ng NU shuttlers ang record 33 sunod na panalo mula noong 2014. May isang linggong pahinga ang Bulldogs bago sumabak sa best-of-three title series.

Nakamit naman ng University of the Philippines ang twice-to-beat bonus sa stepladder semis nang gapiin ang De La Salle, 4-1.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Tumapos ang Fighting Maroons, pinagbidahan nina JM Bernardo at CK Clemente at doubles specialists Betong Pineda at Paul Gonzales, sa 5-1 marka.

Naselyuhan naman ng University of Santo Tomas ang No.3 slot sa semi-finals nang pabagsakin ang Ateneo, 5-0.

Nagtabla ang Growling Tigers, Green Archers at Blue Eagles tangan ang parehong 3-3 karta, ngunit nakuha ng España-based shuttlers ang No. 3 ranking via quotient system.

Paglalabanan ng De La Salle at Ateneo ang nalalabing slot sa semis sa Sabado.