Ni: Marivic Awitan
PATULOY ang pangingibabaw ng defending senior champion San Beda College Alabang habang sosyo ang kanilang juniors team sa liderato sa 48th Women’s National Collegiate Athletic Association (WNCAA) volleyball tournament nitong weekend sa Rizal Memorial Coliseum.
Naitala ng Red Lionesses ang ikalimang dikit na panalo pagkaraang igupo ang co-leader Centro Escolar University Lady Scorpions , 25-22, 20-25, 25-19, 25-12 .
Sa iba pang laro, nakamit naman ng baguhang University of Makati ang ikatlong sunod na panalo pagkaraang mabigo sa unang dalawang laro nang pabagsakin ang University of Asia & the Pacific 25-16, 25-13, 25-9, at nayamani ang Philippines Women’s University kontra Assumption, 25-19, 25-20, 24-26, 26-24, na nag -angat sa kanila sa 2-3 marka.
Sa juniors division, iginupo ng defending champion De La Salle Zobel ang Angelicum College, 25-12, 25-17, 25-12, habang pinadapa ng San Beda ang Assumption, 25-16, 26-24, 25-12, para magsalo sa liderato ng Group A taglay ang 4-0 karta.
Kapantay nila ang Chiang Kai Shek College na nanaig naman kontra St. Paul College Pasig, 25-17, 25-20, 14-25, 25-21, para sa ika-4 na sunod na panalo upang mangibabaw sa Group B.
Sa basketball competition, nawalis ng defending junior champion CKSC ang 5-game sweep ng Group A matapos ang 83-53 panalo kontra San Beda sa St. Scholastica Manila gym.
Winalis din ng DLSZ ang Group B makaraang talunin ang Assumption, 93-24.