Ni: Bert de Guzman
SA halip na maging “A brother’s keeper”, ang Aegis Juris fraternity ng Faculty of Civil Law sa UST, ay parang nagiging “A brother’s killer” bunsod ng kahindik-hindik na pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo III, isang freshman law student, ng pamantasan. Nagtatanong ang mga student leader ng UST sa kanyang fraternity brothers na magpakalalaki at itanong sa mga sarili: “Am I my brother’s killer?”
Ang fraternity ay dapat sanang maging isang samahan ng magkakapatid o kapatiran, pero batay sa mga karanasan at pangyayari sa nakalipas na maraming taon, ang samahan ay nagiging makahayop, mabangis, at barbarikong grupo na ang mga lider at kasapi ay nagiging sadista at parang natutuwa sa pananakit sa bagong mga miyembro sa panahon ng initiation rites.
Para sa mga student leader ng 406-taong unibersidad, panahon na para kuwestiyunin at suriin ang “barbaric tradition” ng ganitong fraternity na sa halip na magpunla ng kapatiran at pakikipagkaibigan, ito ay naghahasik ng karahasan, pagpapahirap at pananakit sa bagong mga miyembro na gustong umanib sa fraternidad.
Marami ang nagugulat at nagtataka sa inaasal ngayon ng mga kongresista, partikular ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Farinas, na Majority Leader din ng Kamara. Siya ay kadikit ni Speaker Pantaleon Alvarez na kaalyado ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Para umanong nagpapamalas ng puwersa at “kayabangan” ang mga kongresista sa mga tao at parang naghahari-harian sa bansa, kabilang dito sina Fariñas at Alvarez.
Sina Fariñas daw at Alvarez ay mistulang dalawang HARI sa House of Representatives (HOR) na napasusunod ang kapwa mga mambabatas sa kanilang gusto. Kamakailan, ipinanukala ni Fariñas na bigyan sila ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ng traffic immunity o huwag silang hulihin sa paglabag sa trapiko habang patungo sa sesyon ng Kamara. Sabi ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Kung si PDU30 nga ay sumusunod sa batas-trapiko at iwas magkaroon ng trapik, eh sino itong si Fariñas na ayaw maabala.”
Sundot ng jogger-senor: “Bakit sila nagmamadali sa pagpunta sa Kamara, para hiyain at insultuhin ang resource persons sa mga pagdinig?” Aba, parang may katwiran ang dalawa kong kaibigan. Itinaas ko ang tasa ng kape at sinabi ko sa kanila: “Uminom tayo para rito.” Batay sa report, maging ang mga kasamahang kongresista ni Fariñas ay hindi kumporme sa kanyang panukala. Sino ba sila, mga diyos sa lansangan? Samantalang ang mga ordinaryong motorista ay nagtitiis sa bigat ng daloy ng trapiko at tinitiketan kapag lumabag?
Ulitin natin: Maging si Pres. Rody ay hindi humihingi ng gayong pribilehiyo sa lansangan. Malimit niyang sabihin na ayaw niyang tumanggap ng mga imbitasyon kapag sa lugar na pupuntahan niya ay lilikha ng trapiko dahil sa kanyang convoy at escorts. Ayaw ni Mano Digong ng ganoong sitwasyon, pero iba ang saloobin ni Fariñas.
Patuloy ang patutsadahan nina Sen. Antonio Trillanes IV at Pangulong Duterte tungkol sa umano’y mga bank account ng senador sa ibang bansa. Upang patunayan at pabulaanan ang alegasyon ng Pangulo na mayroon siyang tagong deposito sa Singapore, nagtungo si Trillanes doon at tinanong kung meron nga siyang deposito.
Nagtungo siya sa DBS Alexandra branch sa Singapore at sa Hong Kong Shanghai Bank Raffles branch. Itinanggi ng mga clerk doon na may deposito si Trillanes. Dahil dito, tinawag ng senador ang Pangulo na sinungaling, na noon daw panahon ng kampanya ay gumamit ng mga propaganda at kasinungalingan para pabilibin ang mga tao. Muli, hinamon niya ang Pangulo (Duterte na lang kung tawagin niya si PRRD) na mag-isyu ng bank waiver upang masuri ang kanyang mga bank account at nang magkaalaman!