Nina VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at MARY ANN SANTIAGO

Maaaring aprubahan ng Senado, sa katapusan ng kasalukuyang taon, ang batas na magre-repeal sa Anti-Hazing Law kasabay ng pagpapahayag ng suporta ng karamihan sa mga miyembro nito, sa gitna ng pagpatay sa freshman law student na si Horacio “Atio” Castillo III.

Sinabi kahapon ni Senador Juan Miguel Zubiri na kumpiyansa siya na sasang-ayon sa kanya ang mga kapwa niya senador na agad aprubahan ang batas na tuluyang magbabawal sa hazing at iba pang uri ng initiation rites ng fraternities, sororities, at iba pang organisasyon.

“I guarantee you, the measure will get unanimous support…Hopefully by December it would be approved,” sinabi niya sa isang panayam sa radyo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Zubiri, “at least 12 senators” ang nagpahayag ng suporta na i-repeal ang Anti-Hazing Act of 1995.

Sinabi ng senador na habang ang batas ay may “good intention,” hindi sapat ang mga probisyon nito upang papanagutin ang mga sangkot sa hazing rites.

Hindi rin isinasantabi ni Zubiri na kaya ibinabasura ang ilang hazing cases ay dahil sa mga koneksiyon ng fraternity members sa “high-profile” prosecutors at judges.

KAPATIRAN BIGYAN NG MAS MALALIM NA KAHULUGAN

Nanawagan ang isang obispo ng Simbahang Katoliko na tuluyan nang ipagbawal ang hazing, kasunod ng pagpatay kay Castillo.

Dismayado si San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, chairman ng Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na isang buhay na naman ang nasayang dahil sa hazing.

Ayon kay Mallari, dapat bigyan ng mas malalim na kahulugan ang “pakikipagkapatiran” lalo na sa mga fraternities sa mga Catholic school tulad ng University of Santo Tomas (UST).

Aniya, sa halip na hazing ay pagmamahal at pakikisama ni Hesus sa kanyang mga desipulo ang dapat mamayani sa bawat samahan o fraternities.

“Sana nga mabigyang saysay ang brotherhood especially ‘yung mga nasa Catholic schools na fraternities. I’m very sad of what happened sa UST, sana ‘yun bang Christian Fraternity, ang mamayani ay ‘yung pagmamahal talaga ni Hesus ‘yung mag-grow sa kanila ‘yung love that is inclusive, a love that reaches out to the poorest of the poor, a love that extend to all…” pahayag ni Mallari sa panayam sa Radio Veritas.

Apela pa ng Obispo, napapanahon na upang tuluyang ipagbawal ang hazing.

“Sana naman alisin na nila ‘yung pananakit dun sa isa’t isa, I don’t think this is good that they hurt those that being initiated sana they challenge them to make more concrete act of love more than being hurt, just being hurt, you put everything and always in the context of love, loving one another, loving people that they meet…” aniya pa.