Ni: Marivic Awitan

NANGIBABAW ang Ateneo, University of the Philippines at De La Salle sa kani -kanilang unang laro sa men’s division sa pagbubukas kahapon ng UAAP Season 80 badminton tournament sa Rizal Memorial Badminton Hall.

Tinalo ng Blue Eagles ang Adamson University, 4-1, habang winalis ng Fighting Maroons, 5-0, ang University of the East.

Bumalikwas naman mula sa dalawang match na pagkakaiwan ang Green Archers bago naigupo ang University of Santo Tomas, 3-2.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Nagsipagwagi para sa Ateneo sina singles players Carlo Remo, Clarence Filart at last season’s top rookie Keoni Asuncion at ang doubles aces na sina Remo at Patrick Gecosala.

Sumandig naman ang UP kina JM Bernardo, CK Clemente at Vinci Manuel, para sa singles matches, at sa pares nina Betong Pineda at Paul Gonzales at Jolo Lunod at Michael Clemente sa doubles.

Nakakuha ng bye sa ginawang draw ang defending champion NU habang wala ng koponan sa badminton event ang season host Far Eastern University. Target ng NU na madugtungan ang record 27 ties win mula noong 2014.

Sisimulan ng Bulldogs ang kampanya bukas kontra Fighting Maroons sa alas-8 ng umaga, habang mapapalaban ang defending women’s champion UP kontra La Salle sa 11:00 umaga.