Ni: Mary Ann Santiago

Hindi timigil ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) hanggang hindi nahuhuli ang lalaking nagwala sa loob ng kanilang headquarters sa Ermita, Maynila at nagtangkang managasa ng mga pulis at mga miyembro ng media matapos mahuling kinukuhanan ng video ang isa sa mga testigo sa kaso ng pagpatay sa hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III.

Sa pulong balitaan kahapon sa MPD headquarters, kinilala ni MPD Director Chief Supt. Joel Napoleon Coronel ang nagwala na si Arvin Tan na posibleng maharap sa mga kasong malicious mischief, direct assault on persons of authority, reckless imprudence resulting to damage to property, at iba pa.

Sa ulat ng MPD, si Tan ay nagtungo sa tanggapan ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) at kumuha ng video habang kinukuhanan ng testimonya ang Uber driver na naghatid ng bag ni Castillo sa bahay nito sa Makati City, bago mag-1:00 ng madaling araw kahapon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nilinaw naman ni MPD Spokesman Police Supt. Erwin Margarejo na walang kinalaman si Tan sa kaso ni Castillo.

Ayon kay Margarejo, lumitaw sa imbestigasyon na bago nagtungo sa MPD headquarters ay nagpunta si Tan sa MPD-Station 8 sa Sta. Mesa at may hinahanap.

“After that, nagpunta siya rito—sa Homicide section at kumukuha ng video sa opisina ng homicide. And may mga media personality na present at that time,” aniya.

Tinanong pa umano ni Tan ang media crew kung taga-ABS-CBN sila at sinabihang stockholder siya ng naturang network.

Dito na umano sinita ng mga pulis si Tan sa intensiyon nito sa pagtungo sa kanilang tanggapan kaya dali-dali na itong lumabas ng tanggapan at sumakay sa itim na Toyota Camry (ACA-3829).

Nang malaman ng mga pulis na nai-video ni Tan ang Uber driver ay agad nila itong hinabol.

“Sumakay siya agad sa kanyang kotse at nung sinita na siya ng mga pulis natin na on-duty, he tried to resist arrest.

Nakapasok na siya sa kanyang kotse at nagsindi pa siya ng kanyang sigarilyo,” kuwento ni Margarejo.

Tinangka umano ng mga pulis na pababain mula sa sasakyan si Tan ngunit nanlaban ito, pinatakbo ang sasakyan at tinangkang sagasaan ang mga pulis at miyembro ng media na malapit sa kanya.

Sinabi naman ni Margarejo na inaalam na nila kung empleyado si Tan ng Department of Interior and Local Government (DILG), matapos nitong magpakita ng ID.