Ni: Mary Ann Santiago

Patay ang tatlong magkakaibigang tindero ng balot nang paulanan ng bala ng riding-in-tandem sa tapat ng isang convenience store sa Barangay San Isidro, Antipolo City, bago maghatinggabi kamakalawa.

Nagtamo ng mga bala ng caliber .45 sa katawan sina Ricky de Pedro, isang alyas Dodong at isang alyas Brochie, pawang nasa hustong gulang at nakatira sa naturang barangay.

Ayon kay Carlos de Pedro, ama ni Ricky, nagtitinda ng balot ang mga biktima nang hintuan ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na magkaangkas sa ‘di naplakahang motorsiklo, dakong 11:30 ng gabi.

National

Dahil sa bagyong Gener: 19 lugar sa Luzon, Signal No. 1 pa rin

Bumaba umano ang backrider na armado ng baril at pinagbabaril ang mga biktima.

Nagawa umanong makatakbo nina Dodong at Brochie ngunit hinabol sila ng suspek at saka pinagbabaril hanggang sa binawian ng buhay.

Ayon sa ilang barangay officials sa lugar, kilala ang mga biktima sa paggamit ng ilegal na droga at dati nang sumuko sa Oplan Tokhang ng Philippine National Police (PNP).

Limang basyo ng caliber .45 pistol ang narekober sa pinangyarihan.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.