Ni ZEA C. CAPISTRANO

DAVAO CITY – Muling nakapiling ng isang opisyal ng pulisya sa Davao Oriental ang kanyang pamilya matapos siyang palayain ng New People’s Army (NPA) kahapon.

Pinalaya ng NPA si SPO2 George Rupinta sa Maco, Compostela Valley kahapon ng tanghali.

Dinukot siya bilang “prisoner of war” ng mga mandirigmang NPA na kabilang sa Guerrilla Front 18 at 6th Pulang Bagani Company noong Hunyo 9 sa Barangay Tagugpo, Lupon, Davao Oriental.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Pinalaya siya ng mga rebelde dalawang buwan makaraan siyang umapela sa gobyerno na tiyakin ang ligtas na pagpapalaya sa kanya sa pamamagitan ng video na inilabas ng mga rebelde noong Hulyo 13.

Sa kaparehong video, nanawagan din siya sa gobyerno at sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na ipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan.

Malugod na tinanggap si Rupinta ng kanyang maybahay at ng mga opisyal ng third party facilitator, ang Exodus for Justice and Peace.

Pinasalamatan naman ni Rupinta ang mga bumihag sa kanya sa maayos na pagtrato sa kanya.

Dalawampu’t walong taon nang pulis si Rupinta.