Ni MARIVIC AWITAN
Mga Laro Ngayon
(MOA Arena)
2 n.h. -- UST vs UP
4 n.h. -- FEU vs La Salle
La Salle Archers, mapapalaban sa FEU Tams.
SALYAHAN, bigwasan, habulan ang mga eksena sa unang paghaharap ng La Salle Archers at Far Eastern University Tamaraws sa exhibition game sa Davao City may ilang linggo na ang nakalilipas.
Hindi sinasadya, muling magsasanga ang landas nang dalawang kontrobersyal na koponan sa ikalawang araw ng aksiyon sa UAAP seniors basketball championship sa MOA Arena.
Asahan ang muling pagsiklab ng mga damdamin ng magkaribal sa ganap na 4:00 ng hapon.
Ngunit, mabilis na isinantabi ni FEU coach Nash Racela ang posibilidad na humantong muli sa free-for-all ang duwelo.
“First of all, talagang huminge ng patawad yung mga bata dahil sa nagyaring gulo. Pero tapos na ‘yun, napagsabihan na sila at tinanggap nila ang lahat ng sermon,” sambit ni Racela.
Gayundin ang tugon ng Archers.
“Tapos na ‘yun. Okey na lahat,” pahayag ni La Salle coach Aldin Ayo.
Wala namang parusa o anumang sanctioned na ibinigay sa magkabilang panig ang UAAP Management Committee bunsod umano ng naganap na insidente sa labas ng liga.
Magtutuos naman sa unang laro sa 2:00 ng hapon ang University of Santo Tomas at ng University of the Philippines.
Bawas na ang lakas ng Archers sa graduation ni Jeron Teng at ang reliable big man na si Jason Perkins, habang hindi pa makakalaro ang reigning MVP na si Ben Mbala, sasandig ang Green Archers kina Aljun Melecio, Kib Montalbo, big man Justine Baltazar at sa high leaper na si Ricci Rivero.
Sa kabilang dako, nawala naman ang mga big men na si na Reymar Jose at Fil Norwegian Ken Holmqvist at guard na si Monbert Arong, inaasahang mangunguna ngayon sa FEU sa ilalim ng bagong coach na si Olsen Racela sina Richard Escoto, Prince Orizu, Ron Dennison at Arvin Tolentino.
Mauuna rito, patutunayan naman ng dalawang foreign players na sina Cameroonian Steve Akomo ng UST at Ibrahim Quattara ng UP ang kanilang halaga kung bakit sila ipinaglaban ng kani-kanilang koponan para makalaro ngayong season.
Bukod kay Akomo, inaasahang mangunguna sa tangkang page ahon ng Tigers mula sa last place finish noong Season 79 sina Marvin Lee, Jan Macasaet, Jeepy Faundo at Reggie Basibas.
Sa panig naman ng Maroons, suporta naman mula kina Paul Desiderio, Diego Dario, Gelo Vito at Felix Jaboneta ang kakailanganin ni Quattara para sa tangkang makatawid ng Final Four ngayong season.